Bagman ng gambling lord na si J. Datu tambay sa Camp Olivas at Camp Alejos!

NAISULAT natin kamakailan ang tungkol sa ginagawang kalokohan ng isang alyas J. Datu na naghahasik ng lagim są Central Luzon.

Si J. Datu ang nagsisilbing bagman ng prominenteng gambling lord na may alyas namang Dose.

Siya ang tagaayos sa mga tiwaling opisyal ng Police Regional Office (PRO) 3 at Bulacan Police Provincial Office (BPPO) para malaya at lantarang magkapag-operate ang illegal na sabong online sa buong lalawigan ni Bulacan Governor Daniel Fernando.

Hanggang ngayon ay naghihintay tayo ng tugon sa magiting na hepe ng Police Regional Office (PRO) 3 Brig. Gen. Jun Hidalgo kung gagayahin ba nito ang sistema ngayon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Brig. Gen. Melencio ‘Tateng’ Nartatez.

Si General Tateng kasi ngayon ay nag-aala Ping Lacson na ibig sabihin tabla ang lahat ng pasugalan at mahigpit na ipinatutupad ang No Take Policy at One Strike Policy.

Naniniwala tayo na kung may ganito ring ‘marching order’ si Gen. Hidalgo, hindi makakapag-operate ang illegal e-sabong ni Dose at lalong hindi makakapagmayabang itong si Bagman Datu.

Ang masaklap sa ‘comparison’ sa pagitan nina Gen. Hidalgo at Gen. Nartatez, tablado pati sugal-lupa kay General Tateng, samantalang walang malinaw na direktiba kung bakit hindi mapahinto ang illegal na e-sabong na mismong ang naglabas ng kautusan na ipagbawal ito ay si Pangulong Bongbong Marcos sa pamamagitan ng Executive Order No. 9.

Ibig sabihin, malinaw sa kautusan ng EO 9 ni PBBM na bawal ang anumang uri ng online sabong sa buong Pilipinas. Take note, mga kabayan, sa buong Pilipinas o Luzon, Visayas at Mindanao at kasama rito ang Bulacan at buong Region 3.

Ang mabigat pa, tuwing alas-5:00 ng hapon na nga ginaganap ang online sabong sa mga sabungan mistulang legal ito at lantaran ang illegal na operasyon.

Para bang ipinangangalandakan ng sindikatong ito na tae at isang piraso ng papel lamang ang EO9 ni PBBM.

Uulitin ko ang mga sabungan na may illegal e-sabong.

Ito ay ang mga sabungan sa Malolos Cockpit Old Arena, gayundin sa Sta. Maria Square Cockpit Coliseum at Balagtas Cockpit Arena.

Mayroon din sa Clint Eryx Cockpit Arena sa bayan ng Balagtas na minamantine ng isang alyas Erwin.

Lantaran din ang illegal e-sabong sa Meycauyan Cockpit Arena, Bgy. Pandayan, Meycauyan, Bulacan. Ganoon din sa bayan ng Bustos, Bulacan.

Sa New Marilao Coliseum, Bgy. Abangan Norte, Marilao ay may illegal e-sabong din na ang may-ari ay isa umanong local official.

Isang alyas Lando naman ang umano’y namamahala ng illegal e-sabong sa Norzagaray Cockpit Arena.

Sa Angat Bulacan Coliseum ay isang Wowie ang maintainer ng illegal na e-sabong.

Ang pinaka-latest na nasagap natin, itong si Bagman Datu ay halos weekly kung dumalaw daw sa Camp Alejo na headquarters ng Bulacan PNP at Camp Olivas na HQ naman ng PRO3.

Sa sobrang yabang ni Datu, ipinagmamalaki nito na P2.5 million weekly daw ang ibinibigay niyang ‘tongpats’ sa isang opisyal sa PRO3 at P1 million kada linggo naman ang para sa opisyal ng Bulacan PPO.

Hindi ko alam kung namomonitor ba ito nina Gen. Hidalgo, gayundin ng kanyang intelligence chief na si Col. Jay Dimaandal at siyempre ang ubod ng ‘sipag’ na si Bulacan PPO chief Col. Relly Arnedo.

Naniniwala kasi akong hinding-hindi tatanggap ng suhol ang tatlong opisyal mula sa bagman na si Datu.

Ayon sa ating source, kapag nagpupunta raw sa mga naturang kampo si Bagman Datu ay may dalang malaking paper bag papasok sa tanggapan ng ilang opisyal.

Kapag bumabalik na ito sa kanyang magarang sasakyan ay hindi na niya dala ang malaking paper bag.

Kung ako ang tatanungin n’yo kung ano ang laman ng naturang bag, ang iisipin ko ay PANSIT at hindi pera!

Iyan ay kung maloloko ko pa ang lelang n’yong panot!

Kidding aside, muli ko pong nililinaw kina Gen. Hidalgo na sana ay tanggapin ninyo ang artikulong ito bilang ‘constructive criticism,’ kasi naniniwala naman akong kayang-kaya talagang sundin ng heneral ang kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Tama ba ako PNP chief Gen. Benjamin Acorda?


Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment