Solon sa TESDA: Turuan ang Pilipino sa kahalagahan ng technical vocation

Senador Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na tulungan ang publiko na maunawaan ang kahalagahan ng TESDA certification at, tulad ng isang college degree, paano ito makakatulong sa kanilang magtagumpay sa buhay.

“The greatest hindrance of technical vocation in the Philippines is may pagka-matapobre pa rin tayo kapag walang diploma,” ayon sa independent senator sa pagdinig ng 2024 proposed budget ng TESDA.

“Even if may diploma ka, we tend to look at the name of the school and the country where we graduated,” dagdag nito.

Ayon kay Cayetano, ang problema ay bunga ng matagal nang pag-iisip ng mga Pilipino na ang TESDA ay kadalasang nagtuturo sa mga college drop-out at out-of-school youth lamang.

“If we do not fight the mentality or stigma, ano ang lumalabas? Tatanungin ang bata, ‘Anong gusto mo maging?’ [Sasagot ang bata] ‘E ‘di mag college.’ [Pero sasabihan naman siya] ‘Eh paano kung magdrop-out ka na, mag-TESDA ka na lang!’” sabi nito.

“Baka your job is not only educating those who want to have skills but educating all Filipinos that we are human beings and the diplomas are just certifications of what we can do. We can actually be non-schooled,” dagdag pa nito.

Binanggit ni Cayetano ang mga kilalang tao tulad ng yumaong Senador Blas Ople, ang yumaong founder ng Apple na si Steve Jobs, at ang founder ng Microsoft na si Bill Gates na naging matagumpay sa buhay sa kabila ng kawalan ng college degree.

Ibinigay rin nito ang Germany bilang halimbawa ng isang bansa kung saan ang mga estudyante ay maaaring magtrabaho sa malalaking kumpanya habang sila ay nasa high school pa.

“Sa Germany, kahit high school [student] ay nasa accounting department na ng malaking kumpanya at nag-apprentice sa banks. No one will doubt the quality of the banking and the car industry in Germany,” wika nito.

Sinabi ni Cayetano na ang pagbabagong ito sa paniniwala at kaisipan ay dapat na itanim sa lahat, partikular sa kabataan na maaaring maghangad ng hindi tradisyunal na karera.

“Dapat from elementary to high school pa lang, kapag sinabi ng mga bata ‘Gusto ko maging magaling sa automotive,’ [tatanungin siya] ‘Saan mo gusto?’ [at sasagot naman ang bata] ‘Gusto ko sa TESDA!” sabi ng senador.

Ipinahayag ni Cayetano ang kanyang suporta sa TESDA family habang ito ay kumikilos upang mapabuti ang kalidad ng technical education sa bansa, pati na ang ang pag-iisip ng mga tao tungkol sa mga diploma ng ahensya.

Leave a comment