3 dayuhan kalaboso ng BI

Ni NERIO AGUAS

Kalaboso ang tatlong dayuhan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Cavite.

Ayon sa BI, kabilang sa dinakip ng mga tauhan ng BI fugitive search unit (FSU) ang dalawang Nigerians at isang Taiwanese national na pawang may kinakaharap na kaso.

Nabatid na unang nadakip sa isang mall sa Imus, Cavite ang dalawang Nigerians na sina John Chukwuemeka Enuka, 41-anyos at Ugochukwu Christopher Nwabufo, 31-anyos, ng pinagsanib na puwersa ng FSU, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-National Capital Region, ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) at government intelligence units.

Sinasabing nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad noong Setyembre 13 matapos makabili ng illegal drugs sa dalawang Nigerian nationals na paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 paragraph B at section 11, Article II of Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakuha sa pag-iingat ng mga dayuhan ang ilang gramo ng marijuana at heroin na may street value na nagkakahalaga ng P8 milyon sa dalawang Nigerian nationals.

Sa record ng BI, si Nwabufo ay dumating sa bansa noong 2022 at mula noon ay hindi na nag-renew pa ng papeles dahilan upang malagay ito sa pagiging overstaying habang si Enuka ay illegal na nagtatrabaho sa bansa.

Samantala, sa hiwalay na operasyon ng BI FSU agents nadakip ang Taiwanese national na si Chen Kai-Wun, 55-anyos sa General Trias, Cavite.

Sinasabing wanted sa Taiwan si Chen at may arrest warrant laban dito na inilabas ng Shilin District Prosecutors Office dahil sa paglabag sa Controlling Guns, Ammunition and Knives Act of Taiwan noong May 2023.

Natuklasan din na si Chen ay lider ng isang a notorious Taiwanese syndicate na sangkot sa arms trafficking at sangkot din sa pagsasaayos ng papeles ng kababayan nito na wanted din papasok sa Pilipinas.

Kasalukuyang nakakulong sa PDEA National Office sa Quezon City sina Nwabufo at Enuka habang si Chen ay nakakulong sa BI jail facility sa Bicutan, Taguig habang inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.

Leave a comment