
NI NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bigyan ng panahon at pondo ang pagtatayo ng komportableng tirahan ng mga Pinoy athletes sa halip na puro na lang flood control projects ang isagawa sa mga lugar na wala namang tao.
Giit ng senador, dapat na paglaanan ng DPWH ng pondo ang pagtatayo ng mga pasilidad at sports facilities na magagamit ng mga atletang Pinoy.
“Bigyan naman natin ng maayos at komportable na tirahan ang ating mga atleta. Nananawagan ako sa DPWH, instead of flood control projects sa mga lugar na walang tao, dito na lang sa ating mga atleta na kailangan nila ng komportableng tirahan man lang. Baka pwede ninyo mapaglaanan ng pondo,” panawagan ni Go, chairman ng Senate Committee on Sports.
Ginawa ng senador ang apela sa budget hearing na pinamunuan nito ng Senate Committee on Finance kung saan tinawagan din nito ng pansin ang Philippine Sports Commission (PSC) na ayusin ang grassroots sports development sa bansa.
Ayon kay Go, nababahala ito sa kasalukuyang sports infrastructure sa bansa na ang ilan ay nasisira na at luma na.
“Napapansin ko ang mga pasilidad na pinakita kanina. Talagang kailangan po, the more we should invest sa mga sports facilities natin at huwag hayaang masira,” sabi ni Go.
Partikular na tinukoy ni Go ang pagsasaayos ng Philippine Institute of Sports Multi-Purpose Arena o PhilSports Arena sa Pasig City na binuksan noong 1985 at naging barracks ng mga atleta.
Sinabi pa ng senador na malaking bagay na maraming kabataan ang nahihilig sa mga sports upang malayo ang mga ito sa paggamit ng illegal ng droga at iba pang masasamang gawain.
“Sabi ko nga, get into sports, stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit. At isa rin po ang sports sa paraan na ilayo natin ang mga kabataan sa iligal na droga. Isang paraan ito na maipagpatuloy ang kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang iligal na droga dahil kapag bumalik po ang iligal na droga, babalik po ang kriminalidad, babalik po ang kurapsyon sa gobyerno,” ani Go.
Ipinagmalaki rin nito ang National Academy of Sports (NAS) na nasa New Clark City sa Capas, Tarlac na sa tulong ng PSC at ng Department of Education (DepEd) na nagbibigay ng specialized secondary education program na nakasentro sa sports.
“Pwede silang mag-training, at the same time, mag-aral. Pwede silang mag-aral, at the same time, mag-training. Wala pong masasakripisyo. ‘Yan po ang National Academy of Sports, batas na po at may sariling pasilidad,” aniya pa.
