
Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang anim na dayuhang pawang illegal na nagtatago sa bansa sa magkakahiwalay na operasyon sa Luzon at Visayas.
Ayon sa BI, kabilang sa mga naaresto noong nakalipas na Setyembre 12 ang tatlong Chinese nationals sa
kahabaan ng Peneyra Rd. Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan.
Nabatid na ang nasabing mga Chinese nationals ay illegal na nagtatrabaho at nagmamantine ng isang junkshop at fishery business sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, isa sa mga Chinese na lalaki ay nagpakita ng kahina-hinalang Philippine passport, habang ang dalawa naman ay nagpakita ng mga dokumento na nagsasabing sila ay nagtatrabaho sa Makati.
Samantala, sa parehong araw ay naaresto ng Intel agents ang isang Sri Lankan national na kinilalang si Mihinndukulasuriya Jude Sumedha Fernando sa Brgy. San Fernando, San Jose, Antique.
Si naturang dayuhan ay natuklasang overstaying, undocumented, at nagtatrabaho nang walang valid visa sa bansa.
Napag-alaman din na nagtatrabaho ito sa isang aluminum and glass supply, at hindi nakapagpakita ng mga dokumento sa BI.
Arestado rin sa kahabaan ng Waling-Waling Street, Brgy. sa San Pablo sa Catbalogan City, Samar ang Indian national na si Yadveer Singh.
Ito inaresto dahil sa maling representasyon matapos magpakita ng Philippine driver’s license sa kabila ng pagiging dayuhan.
Inaresto rin ng mga ahente ng BI sa isang condominium sa Mandaluyong City ang Nigerian na si Ihekwoaba Stanley Chibuzo.
Si Chibuzo ay inaresto dahil sa pagiging overstaying sa bansa ng halos 4 na taon.
Nakatanggap din ang BI ng mga ulat na miyembro ito ng West African Drug syndicate (WADS) at sangkot sa maraming mga scams at ilegal na aktibidad.
Lahat ng 6 na dayuhan ay nahaharap sa mga paglilitis sa deportasyon at ikukulong sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig.
