Pagbangon ng SK system tiniyak ni Sen. Angara

Ni NOEL ABUEL

Tinitiyak ni Senador Sonny Angara na ang mga opisyal at miyembro na ihahalal sa darating na Sangguniang Kabataan (SK) elections ay makikinabang sa mas malakas, mas tumutugon at progresibong sistema sa pagpapatupad ng batas na nagpapakilala ng mga bagong reporma sa barangay youth body.

Ito ang sinabi ni Angara kung saan mahigit isang taon matapos lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11768, ang mga implementing rules and regulations ay tuluyang nilagdaan noong Setyembre 2, 2023, na naging daan para sa ganap na pagpapatupad ng naturang batas.

Ayon pa kay Angara, bilang punong may-akda at sponsor ng Republic Act 11768 o ang batas na nagpasimula ng mga bagong reporma sa SK system, inaasahan nitong magkakaroon ng pagbabago sa pagkilala sa youth body na binatikos sa mga nakaraang taon.

“Critics of the SK have questioned its relevance and see it as being politicized. We introduced the amendments to the SK system in RA 11768 in response to these criticisms with the hope that the young members of the community who will be part of the body will do more as youth leaders and become strong partners of the government in nation building,” sabi ni Angara, chairman ng Senate Committee on Youth.

Nabatid na sa loob ng maraming taon, binatikos ang SK sa pagsasagawa ng parehong mga aktibidad na hindi gaanong pinakikinabangan sa pag-unlad ng kabataan tulad ng pag-oorganisa ng mga sportsfest at pageant.

At upang matugunan ito, ginawa ang nasabing batas para magbigay ng malinaw na patnubay sa mga uri ng mga programa, proyekto at aktibidad na maaaring isagawa ng SK gamit ang mga pondong ibinigay sa mga ito.

Kabilang dito ang probisyon ng gastusin ng mga estudyante, pagkain, libro at mga allowance sa transportasyon; mga proyekto sa sports at wellness; skills training, summer employment, cash-for-work, on-the-job training, at livelihood assistance; mga proyektong magpo-promote ng partisipasyon ng mga kabataan at pagsisimula sa agricultural, fishery, at forestry enterprises; programa at aktibidad sa climate protection at capacity building para sa mga grassroots organization and leadership.

“We want to ensure that the SK stays true to its mandate of providing the youth in the communities with programs that will be useful to them and help them become productive members of society,” sabi ni Angara.

Sa paggawa ng batas, sinabi ni Angara na ang humihinang interes ng mga kabataan sa pagsali sa SK ay natugunan din sa pamamagitan ng mga interbensyon na resulta ng malawakang konsultasyon sa mga pinuno ng SK at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

“Umaasa tayo na ang mga reporma na nakalaman sa bagong batas ay tutugon sa mga naging hamon sa kredibilidad ng SK at maenganyo ang mas maraming kabataan na sumali sa SK at maging bahagi ng pagpapatibay at pagpapaulad ng ating lipunan,” paliwanag ni Angara.

Leave a comment