860 residente ng Caloocan City lumahok sa contract signing sa TUPAD program ng DOLE

Ni JOY MADELAINE

Mahigit sa 860 residente ng Caloocan City ang lumahok sa contract signing at orientation para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at lokal na pamahalaan sa Morning Breeze Elementary School at Buena Park.

Nabatid na ang TUPAD program ay inisyatiba ng DOLE sa pakikipagtulungan sa mga LGUS upang mabigyan ng emergency and temporary employment sa mga kuwalipikadong residente ng lungsod.

Pinasalamatan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang koordinasyon ng DOLE at ng Public Employment Service Office(PESO) upang lumikha ng mga pagkakataon para sa mga displaced at underemployed na manggagawa sa lungsod at nangako sa kanyang patuloy na suporta sa mga naturang programa.

“Sa akin pong administrasyon, malaking prayoridad po ang pagbibigay ng kabuhayan sa ating mga kababayan kaya asahan ninyo po na patuloy ang suporta natin sa TUPAD at sa iba pang programang katulad nito,” sabi ni Malapitan.

“Bunga po ng magandang relasyon sa pagitan ng DOLE at PESO, marami na naman po tayong nga Batang Kankakoo na makikinabang at magkakaroon ng oportunidad kumita. Maraming salamat po sa inyong lahat,” dagdag nito.

Hinikayat din ng City Mayor ang kanyang mga nasasakupan na patuloy na samantalahin ang tulong na ibinibigay ng parehong pambansa at pamahalaang lungsod.

“Mga kababayan, sulitin po natin lagi ang nga programang hatid natin. Para po sa inyo ito at huwag nating sayangin ang pagkakataon na kumita at mag-ipon tungon sa isang mas magandang kabuhayan,” ayon pa kay Mayor Along.

Leave a comment