Cayetano sa mga opisyal ng DA: Magsipag, magsiayos

NI NOEL ABUEL

Pinakikilos ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng mas maagap na mga hakbangin upang malutas ang kalagayan ng agrikultura sa Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng kasalukuyang mataas ng presyo ng bigas sa kabila ng ipinatupad na price cap ng Malacañang.

Kasabay nito, pinuri ni Cayetano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taos-puso nitong gawain bilang DA secretary na naglalayong mapabuti ang sitwasyon ng pagkain sa bansa, ngunit ipinunto nito na hindi dapat iasa sa Pangulo ng mga opisyal ng DA ang mga solusyon sa mga suliranin sa sektor na ito.

Iniugnay ni Cayetano ang pagtaas ng presyo ng bigas sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng erratic weather conditions sa buong mundo na nakaaapekto sa supply ng bigas, pati na rin ang pagbabago ng Russia sa grain export deal nito sa Ukraine na may epekto rin sa presyo ng iba’t ibang pagkain sa buong mundo.

Binanggit din nito ang pahayag ng India noong Agosto na ipagbabawal nito ang pag-export ng bigas, na dapat sana’y nag-udyok na sa mga opisyal ng DA na kumuha ng hakbang upang masiguro ang supply ng bigas mula sa ibang bansa.

“So noon pa lang nu’ng pinag-uusapan ‘yan, may alarm bells na dapat sa agri department. Dapat dalawa, tatlo, lima, anim na opsyon ang binigay nila kay Pangulong Marcos, but they tried yo make him do it on his own,” aniya.

Bagamat pinuri ni Cayetano ang mga pagsisikap ng Pangulo na makakuha ng bigas mula sa Vietnam, sinabi nito na dapat nakipag-ugnayan na ang DA at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Vietnam nang mas maaga at hindi naghihintay ng high-level discussions.

Isa sa mga nakikita nitong hakbang ay ang pagkuha ng tulong mula sa mga bansa tulad ng Japan at China, kung saan may cultural significance ang bigas, upang bumuo ng rice sufficiency roadmap para sa Pilipinas.

“Kailangan ng long-term solution here. We support him (the President) there but hopefully sa budget hearing, ma-explain na ng Agriculture department kung ano ang mga plans na ito,” sabi pa ng senador.

Leave a comment