
Ni NOEL ABUEL
Aabot sa 1,000 indibiduwal na naapektuhan ng pagbaha sa Davao Region ang nakatanggap ng tulong mula kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano bilang pang-ahon mula sa iniwang sira ng kalamidad.
Sa magkasunod na pagbisita sa rehiyon, nakipagtulungan ang Emergency Response Department (ERD) team ng magkapatid na senador sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapag-abot ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng ahensya.
Noong September 14, 2023, umabot sa 300 residente sa Digos City, Davao del Sur ang nakinabang sa programa, na isinagawa sa pakikipag-ugnayan kay Davao del Sur Lone District Rep. John Tracy Cagas.
Sa Pantukan, Davao de Oro naman, nasa 700 biktima ng pagbaha ang nabigyan ng tulong noong September 15.
Isa sa mga benepisyaryo mula sa Pantukan ay ang 25-anyos na si Christopher Aguimat, na nawalan ng bahay matapos wasakin ng bahang tumama sa kanilang lugar nitong Hulyo.
“Nagtrabaho po kami para kami maka-survive at maitayo ulit ang bahay namin. Tapos nabalitaan po namin na may ayuda mula kay Senator Alan Cayetano at Senator Pia,” ani Aguimat.
Pinasalamatan ni Aguimat ang magkapatid na senador, at sinabing ipandaragdag nito sa pampagawa ng kanilang bahay ang natanggap na tulong.
“Ipangpapagawa po namin ng kung ano pong kulang pa namin sa bahay, kasi nag-start pa lang po kaming magbuo ng bahay,” aniya.
Nagpasalamat din ang residente ng Digos City na si Olivia Tolentino para sa natanggap na ayuda, na aniya ay malaking tulong para sa isang biyudang katulad niya.
“Nag-iisa po ako sa buhay. Ako lang ang mag-isang nagtataguyod sa tatlo kong anak,” ani Tolentino.
Ang ERD ay inisyatibong nakapailalim sa “Bayanihan Caravan” ng magkapatid na Cayetano, isang programa kung saan nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang maghatid ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga pinakanangangailangang Pilipino at mga vulnerable na sektor sa bansa.
