
Ni NERIO AGUAS
Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa bansa nito kaugnay ng illegal gambling.
Kinilala ang inarestong dayuhan si Jiang Ning, 27-anyos, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Nabatid na tinangkang umalis ng nasabing dayuhan sakay ng isang flight ng Philippine Airlines patungo sa Kuala Lumpur, Malaysia, nang mapansin ng mga opisyal ng BI ang derogatory record sa inisyu laban sa kanya.
Sa beripikasyon, nakumpirma na si Jiang ay nasa Interpol Red notice at wanted sa China dahil sa pagkakasangkot sa pagtatayo ng gambling group, na sinasabing komokontrol sa 14 na platform ng pasugalan para sa mga ilegal na kita sa China at Pilipinas.
Sinasabing ang nasabing grupo ay nag-operate mula 2014 hanggang 2021, at nag-udyok sa mahigit 100,000 Chinese na sumali sa illegal na pagsusugal.
Naglabas ng warrant ang Qijiang District Public Security Bureau ng Chongqing Municipality laban kay Jiang.
Kinasuhan ito dahil sa pagbubukas ng casino na labag sa Criminal Law of China, at nahaharap sa maximum na parusang 10 taon sa bilangguan.
Agad itong isinuko sa legal division ng BI para kasuhan ng undesirability.
Mananatili ito sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig, habang inihahanda ang dokumento upang mapatapon ito pabalik ng kanyang bansa.
