Yamsuan: Pangulong Marcos naisahan ang smugglers at hoarders

Rep. Brian Raymund Yamsuan

NI NOEL ABUEL

Naisahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga smugglers at mistulang tinuran ng leksyon ang mga ito nang ipamahagi ang nakumpiskang smuggled rice sa mga residente ng Zamboanga.

Ito ang sinabi ni Bicol Saro party list Rep. Brian Raymund Yamsuan kung saan pinuri nito ang Pangulo sa pagpapadala ng malakas na mensahe sa mga smugglers at hoarders na wala silang mapapala sa kanilang hindi patas na mga gawi sa kalakalan, habang kasabay nito, ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na sambahayan na higit na nagdusa mula sa mga ilegal na gawaing ito.

Idinagdag pa ni Yamsuan na bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA), ang hakbang ni Pangulong Marcos Jr. ay naglalayon din na protektahan ang maliliit na magsasaka mula sa hindi patas na kumpetisyon dahil ang mga smuggled na bigas na bumabaha sa merkado ay karaniwang humihila pababa sa mga presyo ng kanilang ani.

“The President has given smugglers and hoarders a bitter, expensive lesson where it would hurt them the most—their pockets. Their seized rice stocks mean their investments can never be recovered. Ang smuggled rice na naisaing na, hindi na kayang bawiin. Lugi ang smugglers, pero panalo naman ang magsasaka at mahihirap nating mga kababayan,” sabi ni Yamsuan.

“By his single strong-minded act, the President has helped farmers and poor families and punished those that have made life difficult for them,” dagdag nito.

Ang tinutukoy ni Yamsuan ay ang desisyon ni Pangulong Marcos na ipamahagi ang nasa 4,000 sako ng smuggled rice na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Norte noong Martes.

Ang saku-sakong bigas na ipinamigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay bahagi ng 42,180 smuggled na sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon na nakumpiska ng BOC-Port of Zamboanga sa isang bodega sa Barangay San Jose Gusu sa Zamboanga City.

Na-forfeit ang stocks pabor sa gobyerno matapos mabigyan ng sapat na panahon ang operator ng warehouse, ngunit nabigo, na ipaliwanag kung saan inaangkat ang bigas at kung saan niya binayaran ang mga taripa at buwis para sa mga ito.

Sa kanyang pagbisita sa mga lalawigan ng Zamboanga para pangunahan ang pamamahagi ng mga smuggled na bigas, pinangunahan din ng Pangulo ang turnover ng tulong na nagkakahalaga ng kabuuang P18.56 milyon sa ilalim ng Philippine Rural Development Project Investment for Rural Enterprises and Agricultural and Fisheries Productivity (PRDP I-REAP) ng Department of Agriculture (DA), at DA KADIWA financial grants na nagkakahalaga ng P4 milyon.

Pinangasiwaan din nito ang pamamahagi ng P120 milyong halaga ng tulong sa ilalim ng “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantages/Displaced Workers” ng Department of Labor and Employment (DOLE); P530,000 halaga ng DOLE livelihood assistance; at mga sertipiko ng tulong mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Leave a comment