
Ni NOEL ABUEL
Hindi naitago ni Senador Grace Poe ang galit sa ulat na isang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) ang umano’y kumuha at lumunok sa $300.
Ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, nakakahiya ang ginawa ng nasabing OTS personnel kung may katotohanan na sumbong ng isang pasahero na nawala ang 300 dollars nito.
Sinabi ng senador na mistulang hanggang ngayon ay hindo tumitigil at hindi nauubusan ng gimik ang mga kawatas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang paliparan sa bansa.
Aniya, maaaring ang nakita sa CCTV ay hindi ang buong kwento ay may mga report pa na nagsasabing inutusan ang OTS personnel na gawin ito para hindi mahuli at posibleng may kasabwat pa ito.
Umaasa ang senador na agad na matutunton ng awtoridad ang mga sangkot dito sa kanilang imbestigasyon at agad kasuhan at sibakin sa trabaho ang mapapatunayang sangkot sa illegal na aktibidades.
Nanawagan din ito sa mga airport security office na tiyakin na ang mga aplikante at maging ang mga tauhan ng OTS ay naaayon sa kuwalipikasyon at i-evaluate ang kanilang trabaho.
