Solon sa BOC: Kasuhan na ang smugglers at hoarders

Ni NOEL ABUEL

Kinalampag ng isang senador ang Bureau of Customs (BOC) na madaliin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga hoarders at smugglers ng bigas kasunod ng naging utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sugpuin at habulin ang mga kartel ng pagkain.

Ito ang muling panawagan ni Senador Chiz Escudero sa BOC na sa kabila ng sunud-sunod na operasyon sa mga warehouses ng bigas na hinihinalang smuggled o itinatago ng mga hoarders at smugglers at sa ipinatupad ng Malacañang na magtakda ng prices cap sa presyo ng bigas, ay wala pa rin hanggang ngayon ay walang naaaresto at nakakasuhan.

“A crime definitely took place. And I am wondering why is there a crime but still no criminals at this time?” tanong ni Escudero.

Aniya, magtatatlong linggo na ang nakalilipas subalit mistulang tahimik pa rin ang tungkol sa pagsampa ng kaso laban sa mga smugglers at hoarders.

Sa pagdinig sa Senate Bill No. 2432 sa ilalim ng Committee Report No. 118, ang krimen sa agricultural economic sabotage, hindi naitago ni Escudero ang pagkadismaya sa pagkabigo ng BOC na magsampa ng kaso laban sa mga smugglers.

Wala aniyang pangalan ang BOC na lumalabas na responsable sa hoarding ng bigas kung saan wala rin umanong kahit isang nasasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

“I have yet to hear a name that is responsible for the hoarding of the rice that BOC has raided. And why is it that not a single case has been filed against any individual, much less the disclosure of their names?” giit ni Escudero.

Pinagpapaliwanag din ni Bicolano senator ang BOC na ilabas ang mga datos ng kaso laban sa mga rice hoarders at smugglers sa isinagawang warehouse raids sa Bulacan noong Agosto kung saan nakumpiska ang nasa P505 milyon.

At noong Setyembre 17, sinabi ng BOC na nagsagawa rin ito ng pag-raid sa Las Piñas at Cavite sa hinihinalang smuggled na bigas mula sa Vietnam, Thailand at China na nagkakahalaga ng ₱40 milyon.

“Sa simpleng pananalita,  hindi naman puwedeng may crime pero walang criminal. Sa dami ng ni-raid natin, sa dami ng sinabi nating maling ginagawa pang ho-hoard ng bigas, bakit hanggang ngayon wala pang sinasampahan ng kaso?” aniya pa.

Leave a comment