

Ni NOEL ABUEL
Namahagi ng tulong ang Tingog party list sa nasa 1,000 pamilya sa lungsod ng Caloocan ngayong umaga.
Tinawag na “Tingog ISDA best”, binigyan ng Tingog party list sa tulong ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez at ni Caloocan 1st District Councilor Vince Hernandez ng isda ang 1,000 pamilya sa Bagumbong, Caloocan City.
Sinabi nina Tingog party list Reps. Yedda K. Romualdez at Jude A. Acidre na ninanais ng mga ito na magbigay ng emergency food relief sa mga mahihirap na komunidad, na nagbibigay-daan sa kanila upang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan para sa araw at itaguyod ang kamalayan sa kalusugan sa pamamagitan ng programa.
Dumalo rin sa programa ang comedy star na si Giselle Sanchez na nanguna sa zumba dance bago ang pamamahagi ng fish packs.
Nagpasalamat naman ang mga nakatanggap ng tulong sa Tingog party list sa kanilang tulong.
“Maraming salamat Tingog party list, malaking tulong na po ito sa amin, sana’y patuloy lang po kayo sa mga programa ninyo para sa amin,” ayon sa isang residente.
Bukod dito, tiniyak ng Tingog party list sa mga residente na gagawa sila ng pangmatagalang solusyon para maibsan ang gutom sa bansa.
