Fuel subsidies malaking tulong sa mga magsasaka, mangingisda at transport sector — Sen. Angara

Ni NOEL ABUEL

Nakikita ni Senador Sonny Angara ang fuel subsidies na ibinibigay sa mga transport sectors bilang isang pangunahing interbensyon ng gobyerno upang matulungan ang mga operators at driver na makayanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sinabi ni Angara na kabuuang P3 bilyon ang makukuha ngayong taon sa ilalim ng General Appropriations Act para sa transport fuel subsidies, na mapupunta sa humigit-kumulang 1.36 milyong benepisyaryo.

Sa ilalim ng fuel subsidy program, ang P10,000 ay ipagkakaloob sa bawat drivers ng modernized public utility vehicles (PUVs); P6,500 sa traditional four-wheel PUVs; P1,200 sa delivery riders at P1,000 sa mga tricycle drivers.

“With pump prices going up for 11 straight weeks, the PUV drivers have to bear the additional costs and deal with lower incomes. This could mean more hours on the road and less food on the tables of their families,” sabi ni Angara, chairman ng Senate Committee on Finance.

“Mahalaga ang ginagampanan na tungkulin para sa bayan ng ating mga PUV operators at drivers kung ano ang kayang ibigay na tulong sa kanila, kabilang na ang ayuda sa pambili ng langis, ay makakatulong para masiguro na tuluy-tuloy ang kanilang serbisyo para sa ating mga mananakay,” dagdag pa nito.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ang mga fuel subsidies ay ibinigay sa sektor ng transportasyon kung saan sinabi ni Angara na noong 2022, ang P2.5 bilyon ay inilaan sa Department of Transportation para sa layuning ito.

Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, ang executive branch ay nagpanukala ng P2.5 bilyon para sa fuel subsidies sa transport sector.

Sa kaso ng 2023 GAA, ipinaliwanag ni Angara na ang parehong P2.5 bilyon ay iminungkahi ng Malacañang ngunit nadagdagan ng Kongreso pa ito ng P500 milyon.

At ngayong opisyal na ini-exempt ng Commission on Elections (Comelec) ang pamamahagi ng subsidiya sa gasolina mula sa pagbabawal sa paggastos ngayong panahon ng halalan para sa 2023 barangay at SK polls, sinabi ni Angara na wala nang dahilan para maantala ang buong pagpapatupad ng fuel subsidy program.

“Assuming all of the requirements have been met and the recipients have been identified, we urge the Landbank of the Philippines to fast track the downloading of the fuel subsidies to the intended beneficiaries,” giit pa ni Angara.

Maliban sa P3 bilyon para sa sektor ng transportasyon, sinabi ni Angara na P1 bilyon din ang inilaan sa kanyang 2023 GAA para sa fuel assistance sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa P1 bilyon, P510.4 milyon ang inilagay sa ilalim ng Office of the Secretary ng Department of Agriculture para sa fuel assistance ng mga magsasaka habang P489.6 milyon naman ang inilagay sa ilalim ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga mangingisda.

Ito ay pakikinabangan ng 312,000 magsasaka at mangingisda upang matulungan silang mapanatili ang kanilang produksyon at operasyon.

Leave a comment