Pinay OFW hinarang sa NAIA

Gumamit ng pekeng pasaporte

Ni NERIO AGUAS

Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng pasaporte.

Ang biktima, na sadyang itinago ang pagkakakilanlan ay kasalukuyang hawak ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sumailalim sa imbestigasyon.

Ayon sa BI, nagtangkang umalis ng bansa ang nasabing Pinay noong Setyembre 17 sa NAIA terminal 1 at may Philippine airlines flight patungong Kingdom of Saudi Arabia .

Sa imbestigasyon, nang ipakita ng Pinay ang pasaporte nito ay nakitang 30-anyos ito at aalis ng banda para magtrabaho bilang kasambahay sa Gitnang Silangan.

Subalit nagduda ang immigration personnel sa dokumento nito at hindi maayos na sagot sa mga katanungan ng mga BI officers kung kaya’t inimbestigahan.

Sa huli ay inamin ng Pinay na ginamit nito ang pagkakakilanlan ng kanyang pinsan at sinabi rin ang tunay na pangalan at edad.

Nabatid na inamin ng Pinay na 20-anyos lamang ito at isinilang noong 2003.

Matapos matukoy na ito ay nagpakita ng isang mapanlinlang na pasaporte, ito ay isinangguni sa IACAT para sa karagdagang imbestigasyon.

Ang kanyang pasaporte ay ipinasa rin sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kaukulang aksyon.

Leave a comment