
Ni NOEL ABUEL
Plano umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gamitin ang inaasahang P10 bilyong sosobra sa koleksyon ng Rice Competiveness Enhancement Fund (RCEP) sa irigasyon at dagdag na suporta sa mga magsasaka.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung saan maghahanap aniya ng P40 bilyon ang Kamara de Representantes upang maidagdag sa pondo para sa irigasyon sa ilalim ng pambansang pondo para sa susunod na taon bilang suporta sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain.
“Nakikita po natin, mukhang magkakaroon po tayo ng excess collections sa RCEF kaya sabi ng ating mahal na Pangulo dapat itong 10 billion (pesos) na excess collections, ipagamit natin dito sa ating mga magsasaka,” ani Speaker Romualdez sa kanyang mensahe sa presentasyon ng solar-powered irrigation project ng National Irrigation Administration (NIA) Region 3 Office sa San Rafael, Bulacan.
“At ‘yung hinihingi lang naman sana kaya itong parang namumuhunan ang ating Presidente dito sa mga magsasaka para pagdating ng panahon na maaani itong mga palay, siguro, ipasa na lang ‘yung savings nito sa mamamayan para bumaba naman ‘yung presyo ng ating bigas,” dagdag pa ni Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na ang hakbang ni Pangulong Marcos ay nagpapakita na ito ay seryoso na matiyak na may sapat na suplay ng pagkain sa bansa na abot-kaya ang presyo.
Kasama rito ang pagnanais ni Pangulong Marcos na mapababa sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
“Walang masamang mangarap at gumawa lahat ng paraan na ma-achieve natin ito,” ani Romualdez.
Binigyan-diin ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng irigasyon upang mapataas ang produksyon ng pagkain sa bansa kaya dapat umanong lagakan ito ng sapat na pondo.
Sumulat ang NIA sa Kamara upang hilingin na ibalik ang P90 bilyong pondo na inalis sa kanila sa panukalang 2024 budget.
“’Yung mga hinihingi nila ay over P100 billion pero ang naibigay sa kanila ay mga P40 billion (lang) kaya mukhang makaka-realign tayo ng pondo na over P40 plus billion. So idodoble natin ‘yung nasa NEP (National Expenditure Program) para at least makakagalaw ang NIA,” sabi ni Romualdez sa panayam.
Pinuri rin ni Romualdez ang solar-powered irrigation project ng NIA sa Bulacan.
Kasama ang ilang kongresista, binisita ni Speaker Romualdez ang Kapatiran Solar Pump Irrigation Project sa Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan.
Ang sistema ng irigasyon na ito ay pinatatakbo ng 115 solar panel at nagsusuplay ng tubig sa 150 hektarya ng taniman ng 1154 magsasaka.
Nakasama ni Speaker Romualdez sina Appropriations Committee Chair Zaldy Co, Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo, ACT-CIS party list Rep. Edvic Yap, at Bulacan 3rd District Rep. Lorna Silverio.
Sila ay mainit na tinanggap nina Bulacan Vice Gov. Alex Castro, San Rafael Mayor Mark Violago, at NIA Acting Administrator Eduardo Guillen.
Ang NIA ay mayroon ding mga katulad na proyekto sa Bustos, Bulacan—isa sa Brgy. Malamig na pinatatakbo ng 334 solar panel at nakakapagsuplay ng tubig sa 350 ektarya at ang isa pa sa Brgy. Tibangan na may 1,112 solar panels at nagsusuplay ng tubig sa 1,200 ektarya.
Dahil sa paggamit ng solar power ay nababawasan ang gastos ng mga magsasaka sa irigasyon.
Ang proyekto ng Kapatiran ang gastos na P900,000 hanggang P1 milyon kada taon sa kuryente ay bababa sa P400,000 hanggang P450,000.
Sa pag-aaral ng Mindoro State University at University of the Philippines, Los Baños, sa paggamit ng solar-powered irrigation system ay makatitipid ang isang magsasaka ng 11.36 hanggang 378.54 litro ng diesel kada ektarya kada taon.
“Napapabilib ako dito sa mga solar irrigations systems na pwede pa rin nating gawin sa ibang parte ng ating bansa,” sabi ni Romualdez.
“Kung gamitin natin ang solar irrigation at lahat ng bagong concepts or ideas sa pag-farming, we can increase productivity and efficiency. Gagawin natin lahat para we can increase production and bring the prices of palay and ultimately rice,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Kasalukuyang tinatalakay sa Kamara ang panukalang budget para sa 2024.
Sinabi ni Romualdez na ang paggamit ng solar pump irrigation system ay nakalinya rin sa pagbawas ng greenhouse gas emission at paglaban sa climate change.
Ayon sa MSU-UP study ang solar irrigation systems ay nakababawas ng greenhouse gases (GHG) emission ng hanggang 26.5 tonelada ng carbon dioxide kada hektarya kada taon at nakababawas sa paglikha ng carbon monoxide, nitrogen oxides, sulfur oxides, at particulate matter.
“By embracing these eco-conscious solutions, we can contribute to a more resilient and sustainable agricultural sector, safeguarding our environment for future generations,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
