
Ni NOEL ABUEL
Ginawaran ng Gawad Pagkilala award si Senador Christopher Bong Go sa ika-451 taong anibersaryo ng San Mateo, Rizal bunsod ng naging kontribusyon nito sa nasabing lalawigan.
“Sa araw na ito, sa pagdiriwang ng ika-451 na anibersaryo ng pagkakatatag ng San Mateo, Rizal, ako po ay lubos na nagagalak na maging bahagi ng makasaysayang okasyon na ito,” sabi ni Go.
“Nais kong magpasalamat sa inyong lahat, sa mga kababayan ko dito sa San Mateo, sa mainit na pagtanggap at pagsalubong sa amin sa inyong bayan. Salamat din sa parangal na iginawad ninyo sa akin. With or without award ay patuloy lang akong magseserbisyo sa aking mga kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya,” pahayag pa nito.
Bnigyan-diin ni Go ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pag-unlad ng komunidad.
“Ang bayanihan ay hindi lamang simpleng kataga, ito ay isinasabuhay natin at ito ang nagpapalakas sa ating komunidad, at nagbibigay inspirasyon sa ating lahat upang magkasama tayo sa pagharap ng mga pagsubok at hamon,” sabi nito.
Pinasalamatan ni Go ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Bartolome Rivera sa mga magandang serbisyo nito sa komunidad.
“Nais kong bigyan ng papuri ang aking mga kapwa lingkod-bayan, sa inyong walang sawang serbisyong ibinibigay sa inyong bayan,” aniya pa.
Kasabay nito, ipinaalala ni Go sa mga residente ng San Mateo na huwag magdalawang-isip na magpagamot sa mga ospital ng pamahalaan.
“Sa mga pasyente, lapitan ninyo lang ang Malasakit Center dahil para ‘to sa inyo. Kung may hospital bill kayo, nandiyan ang mga ahensya ng gobyerno na tutulong para mabayaran ito,” sabi ni Go.
