

Ni NERIO AGUAS
Nakatakdang ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 70 panibagong foreign nationals na sangkot sa online love scams at cryptocurrency scams na ang biktima ay pawang mga Westerners.
Ito ang sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco kung saan ang 70 pangalawang batch na foreign nationals na konektado sa online scams ay inihahanda nang ipatapon pabalik ng kanilang bansa.
“The strong partnership of the BI with PAOCC as well as IACAT member agencies led to this massive arrest and deportation of foreign nationals abusing their stay in the country,” sabi ni Tansingco.
“This is in line with the President’s directive for government agencies to work closely together, in unity, to achieve greater results,” dagdag pa nito.
Una nang ipina-deport noong Setyembre 22 ang 75 foreign nationals na karamihan ay Chinese nationals sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Royal Air flight patungong Nanning, Guangxi.
Ang mga deportees ay ang unang batch ng mga dayuhang pinalayas sa bansa matapos ang umano’y pagkakasangkot sa mga scamming activities sa pagkukunwari ng isang online gaming customer relations service provider.
Ang mga ito ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa Rivendell Global Gaming Corporation na nasa Pasay City.
Kinasuhan ang mga ito ng BI ng pagiging undesirable aliens matapos ma-tag bilang bahagi ng scamming syndicate.
Bilang ahensiya ng pag-aresto, pinanatili ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kustodiya ng nasabing mga dayuhan sa panahon ng kanilang deportation proceedings.
Nabatid na 76 ang bilang ng deportees subalit isang Chinese national na si He Zeng Ming ang na-offload dahil sa medical condition bunsod ng pananakit ng dibdib.
