
Ni NOEL ABUEL
Agad na umaksyon sina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Pia Cayetano sa pagbibigay ng libu-libong face mask para sa mga Batangueño na apektado ng volcanic smog ng Bulkang Taal.
Sa tulong ng Emergency Response Department (ERD) team ng senador at sa pakikipagtulungan ng dating kinatawan ng ika-2 distrito ng Batangas na si Raneo Abu, nagbahagi sila ng mga protective mask para sa mga residente ng mga bayan ng Agoncillo, Balayan, at Batangas City.
Ang donasyon ay isinagawa habang patuloy na naglalabas ng volcanic gas ang bulkang Taal, at nagdulot ng pagbaba ng kalidad ng hangin sa mga paligid na lugar.
Inirekomenda ang pagsuot ng face mask bilang proteksyon sa mga residente.
Samantala, sinuspende ang face-to-face classes at trabaho sa mga opisina sa mga apektadong lugar upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at empleyado.
Noong September 22, 58 na mag-aaral mula sa Tuy, Batangas ang dinala sa Rural Health Unit (RHU) matapos maapektuhan ang kanilang kalusugan ng volcanic smog.
Bagama’t nananatiling nasa low alert level ang bulkang Taal at hindi kinakailangang lumikas, maaring makaapekto pa rin ang volcanic smog sa kalusugan ng mga tao.
Ito ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mata at lalamunan, ubo, at hirap sa paghinga. Ang mga taong may mga pre-existing na kondisyon sa respiratory system ay lalo pang nanganganib sa mga epekto nito.
Ang ERD initiative ni Cayetano ay bahagi ng kanyang ‘Bayanihan Caravan,’ isang programa kung saan iba’t ibang uri ng tulong ang ibinabahagi sa mga vulnerable sector ng bansa at mga Pilipinong nangangailangan, kasama ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.
