Dagdag na testigo iniharap ng Senado laban sa mag-asawang Ruiz; Pablo Ruiz na-contempt din

Ni NOEL ABUEL

Lumutang ngayon sa Senado ang tatlo pang testigo na magpapatunay sa pananakit at pang-aabuso sa kasambahay na si Elvie Vergara ng mga dating employers nito sa Mamburao, Mindoro.

Sa ikaapat na public hearing ng Senate Committee on Justice and Human Rights, inilutang ni Senador Francis Tolentino, chairman ng komite, ang tatlong testigo na sina Melinda Magno, anak nitong si Jemwel, at sina Paolo Toling alyas Pawpaw at Richard Pinto.

Kapwa kinumpirma nina Magno at Pawpaw ang sinapit na pisikal na pananakit at mangmamaltrato ng employer nitong si France Ruiz.

Inamin din ng mga testigo na tulad ni Elvie ay hindi rin tumanggap ang mga ito ng sahod mula sa kanilang employers.

Sinabi pa ni Ginang Magno na nakaranas ito ng pananakit ni France noong Disyembre 14, 2017 nang ang dalawang kamay nito  ay tagain ng likod ng itak dahilan upang mapilitan na itong umalis mula sa kanyang employers noong Disyembre 15 at isinama na ang anak nito na noon ay 17-anyos pa lamang.

Hindi rin nakatanggap ang mga ito ng sahod na tulad ng ipinangako ng mag-asawang Ruiz na P4,500.

Maging si Pawpaw ay nakaranas ng pagmumura mula sa kanyang dating employers kung kaya’t makalipas ang dalawang araw ay nagdesisyong umalis na sa trabaho dahil sa takot na saktan din ng kanyang employers.  

Sinabi pa ni Pawpaw na minsan na ring nilagyan ng sili ang bibig at maselang bahagi ng katawan ni Elvie kung kaya’t isinalarawan ni Senador Raffy Tulfo na sadista si France.

Ilan sa mga unang lumutang na testigo sa Senado sina Jay Ar Diminez alyas Dodong, John Patrick Simbaon, at John Mark Taroma

Gaya ng mga nakalipas na pagdinig, kapwa nagalit sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Tulfo at Senador Ronald Bato Dela Rosa sa sinapit ng pananakit at pang-aabuso ng mag-asawang France at Pablo Ruiz kay Elvie Vergara at sa iba pang mangagawa ng mga ito.

Bago matapos ang pagdinig at dahil sa umano’y pagsisinungaling ni Pablo Jerry Ruiz sa mga pangyayaring nangyari noong panahon na sinasaktan si Vergara ay hindi napigilan ni Senador Tulfo na ipa-contempt ito sa Senado.

Dahil dito magkasama nang nakadetine sa Senado ang mag-asawang Ruiz.

Sinegundahan ito ni Senador Estrada na hindi rin napigilan ang galit sa mag-asawang Ruiz sa ginawang pangmamalabis at pananakit kay Vergara kung kaya’t nabulag ang dalawang mata nito.

Lumabas din sa isinagawang polygraph tests sa mag-asawang Ruiz na  nagsisinungaling ang mga ito kung kaya’t lalong tumibay ang paniniwalang sangkot ang mga ito sa pananakit sa mga manggagawa nito kabilang si Vergara at ang mga nasabing testigo.

Leave a comment