ES Bersamin ginagamit ni bagman Datu sa illegal E-Sabong?

ATTENTION sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Mayroon pong iligalista ang gumagamit sa pangalan n’yo, Sir ES.

Ito’y walang iba kundi si J. Datu, ang bagman ng isang prominenteng gambling lord sa Central Luzon na may alyas Dose.

Ang mag-among Dose at Datu ang pasimuno ng illegal e-sabong sa buong Region 3.

Lalo na sa lalawigan ng Bulacan ni Governor Daniel Fernando na ang Police Provincial director ay si Col. Relly Arnedo.

Bilang patunay, tuwing hapon o after 5:00 pm isinasagawa ang illegal na sabong online sa mga sabungan sa Malolos Cockpit Old Arena,  Sta. Maria Square Cockpit Coliseum, Balagtas Cockpit Arena, Clint Eryx Cockpit Arena sa bayan ng Balagtas na minamantine ng isang alyas Erwin.

Lantaran din ang illegal e-sabong sa Meycauyan Cockpit Arena, Bgy. Pandayan, Meycauyan, Bulacan. Ganoon din sa bayan ng Bustos, Bulacan. Sa New Marilao Coliseum, Bgy. Abangan Norte, Marilao ay may illegal e-sabong din na ang may-ari ay isa umanong local official.

Sa Norzagaray Cockpit Arena ay isang alyas Lando ang namamahala ng illegal na pasugal at alyas Wowwie naman sa Angat Bulacan Coliseum.

Para po sa kaalaman ni ES Bersamin, ilang beses na tayong naanawagan kay Police Regional Office (PRO) 3 Brig. Gen. Jun Hidalgo para patigilin ang mga pasugalang ito na hindi lamang sumisira sa kabuhayan ng isang pamilya kundi isang malaking paglabag din sa Executive Order No. 9 na inisyu ng inyong tanggapan at pinirmahan mismo ng Pangulong Bongbong Marcos.

Ngunit sa hindi malamang dahilan ay mas nagtatagumpay pa ang paghahasik ng lagim ng mag-among Dose at Datu.

Ipinagyayabang ni Datu na nakatimbre raw ang kanilang illegal gambling sa Malakanyang dahil bilyong piso raw po ang ibinigay na campaign donation ng kanyang Boss kay PBBM.

Marami tuloy ang nagtatanong kung totoo bang ‘untouchable’ ang illegal e-sabong sa Region 3.

Ang tanong tuloy ng marami ay paraan saan ba ang EO No. 9 na ipinalabas ni PBBM?

Palamuti lang ba ito?

O pakitang tao lang?

Bilang dating Supreme Court chief justice, naniniwala tayong higit na ipupursigi ni ES Lucas ang nakasaad sa batas at direktiba ng Pangulong Marcos.

Maaaring maliit na isyu kumpara sa napakaraming trabaho na ginagawa ng ating ES Bersamin, pero kung mayroon nang gumagamit sa kanyang pangalan, alam kong aaksyunan niya ito sa lalong madaling panahon.

Ang intelligence officer po ng PRO3 ay si Col. Jay Dimaandal at mahalagang maberipika ang ipinagyayabang na kuwento ni Datu na P2.5 million ang ibinibigay niyang tongpats sa PRO3 kada linggo at P1 million naman weekly sa Bulacan PNP.

Marami ang nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi napapatupad ang No Take Policy at One Strike Policy sa PRO3.

***

Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment