P125M confidential fund ng OVP noong 2022 nagastos sa 11-araw –Quimbo

Ni NOEL ABUEL

Ibinulgar ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 na nagkakahalaga ng P125 milyon ay nagastos lamang sa loob ng 11-araw at hindi 19-araw.

Ito ang sinabi ni Quimbo sa gitna ng plenary debate sa 2024 budget ng Commission on Audit (COA) kung saan base aniya sa auditor’s information, ang multi-million peso confidential fund na ibinigay sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa taong 2022 ng Office of the President.

“Ang totoo po ay nagulat din po ako noong mabasa ko ang mga balita na tila nagastos po sa loob ng 19 days at tinanong ko po ang COA at tiningnan ko po ang mga iba’t ibang mga reports pero hindi po ito nagastos sa loob ng 19 days kung hindi 11 days po,” sabi ni Quimbo.

Aniya, base sa COA, nagsumite ang OVP ng liquidation report noong Enero 2023 at naglabas ng audit observation memorandum (AOM) noong Setyembre 18, 2023 ng state auditors.

Ayon pa sa Appropriations committee vice chairperson tiniyak ng COA sa Kongreso na isusumite ang buong ulat at isusumite sa Nobyembre 15, 2023 habang isinasagawa ang pag-audit.

“Ongoing pa rin ang audit at ang AOM ay preliminary findings and again may confidential nature po ang AOM bagama’t ang masasabi po natin ay ang AOM na ‘yan ay nagko-convey po ng request for additional documents,” sabi pa ni Quimbo.

Sa puntong ito, iginiit ng kongresista na magbuo nng special oversight committee para sa CIFs sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang masiguro ang transparency at natitiyak na nagagastos ang pera ng taumbayan nang maayos.

“Sana po ay suportahan ninyo po ako sa aking panawagan ng ganitong creation ng special oversight committee,” sabi pa ni Quimbo.

Leave a comment