Pagpapalawig ng Centenarians Act of 2016 pasado na sa Senado

Ni NOEL ABUEL

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magpapalawig sa coverage ng Centenarians Act of 2016.

Sa plenary session, sinang-ayunan ng lahat ng senador na ipasa ang panukala na mas maraming senior citizens ang makikinabang sa benepisyo mula sa Centenarians Act of 2016.

Nabatid na ang magandang balita ay hindi na kakailanganin na umabot muna ng 100 taong gulang ang isang senior citizen bago pa makuha ang P100,000 mula sa pamahalaan.

Sa Senate Bill no. 2028 o ang Expanding the Coverage of the Centenarians Act, na inisposor ni Senador Imee Marcos at isinulong ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, ang cash gift ay ibibigay sa mga senior citizens na may edad 80-anyos, 90-anyos, at 100-anyos.

Ang mga Filipino senior citizens na nakatira sa bansa o sa ibang bansa na aabot sa 80-anyos ay makakatanggap ng P10,000 habang P20,000 ang 90-anyos at P100,000 sa bawat 100-taong gulang.

Sinabi ni Marcos na ang life expectancy ng mga Filipinos sa kasalukuyan ay nasa 79-anyos para sa mga kalalakihan habang 83-anyos naman sa mga kababaihan.

Sinabi ni Pimentel na maraming Pilipino ang hindi umaabot sa edad na 100 at hindi natatamasa ang mga benepisyo at pribilehiyo ng mga centenarians na nagbibigay ng P100,000 cash sa bawat Filipino centenarian.

“The rising cost of living and healthcare expenses has made it very difficult for our senior citizens to afford basic necessities…it is hoped that more of our elderly population may be able to benefit from the Centenarians Act and that they may be inspired to further prolong and enjoy their lives even beyond a century,” sabi ni Marcos.

Iminumungkahi rin ng panukalang batas na ang mga nakasaad na halaga ay iakma para sa inflation pagkatapos ng isang taon mula sa bisa ng batas.

Ang pagsasaayos, na tutukuyin ng National Economic and Development Authority, ay ibabatay sa average na taunang inflation sa naunang tatlong taon.

Sa ilalim ng panukala, ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng local government units (LGUs), na magtatayo ng data management system recording na naglalaman ng mahahalagang impormasyon ng mga indibiduwal na sakop ng nasabing batas.

Batay sa datos ng PSA, may 7.5 milyong senior citizens sa bansa noong 2015 at humigit-kumulang 10% o humigit-kumulang 790,000 ang tinatayang nasa edad 80 hanggang 90 taong gulang.

”Sa wakas, pati ang mga lolo’t lola natin na umabot ng 80 o hanggang 90 years old ay mabibiyayaan na rin ng regalo na maaaring makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at habang naghihintay sila ng mas malaking regalo pagdating nila ng 100 years old,” sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, isa sa nagsulong sa panukala kasama si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Leave a comment