Trafficking victim nagbayad ng 200k para makauwi ng bansa

Ni NERIO AGUAS

Nakabalik na sa bansa ang isang lalaki na biktima ng human trafficking na nagtrabaho bilang online scammers sa Thailand.

Ang biktima na itinago sa pangalang Gio, 33-anyos, ay na-repatriate noong Setyembre 22 mula sa bansang Myanmar sakay ng Philippine Airlines PR 731mula Thailand.

Ayon sa record, ang biktima kasama ang dalawang iba pa ay umalis ng bansa patungo sa Thailand para magbakasyon.

Inamin ni Gio na ni-recruit ito ng isang nagngangalang Liza na nakilala nito sa Facebook at kinumbinse na magtrabaho bilang customer service representative kung saan pinangakuan itong tatanggap ng P100,000.

Dito ay pinagbabayad ang biktima ng recruiter nito ng P20,000 para sa travel expenses.

Nang dumating sa Thailand ay inilipat ito sa Myawaddy, Myanmar na di kalayuan sa Thailand at sapilitang pinagtrabaho bilang scammers para sa isang Chinese company.

Dito ay pinagtrabaho si Gio bilang online love scammer sa pamamagitan ng pambibiktima sa mga biktima na mag-invest bilang pseudo cryptocurrency accounts.

Tumanggap ito ng P60,000 suweldo kada buwan na malayo sa ipinangako ng recruiter nito.

Nagawa nitong makabalik sa bansa matapos na magbayad ng P200,000 mula sa pamilya at kaibigan sa nasabing kumpanya.

Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na ang parehong modus ay naobserbahan mula noong nakaraang taon, at ang mga biktima ay madalas pinapangako ng mataas na suweldo ngunit nauuwi sa utang.

Noon pang Oktubre 2022, ipinaalarma na ni Tansingco ang modus na nagtatarget sa mga Pilipino na magtrabaho sa mga kumpanyang nagpapatakbo ng online scam tulad ng catfishing.

“This is a case of double trafficking, wherein the victims are trafficked by making them agree through false promise, and then they will be forced to be part of a scamming syndicate making it hard for them to seek help and repatriation,” sabi ni Tansingco.

Ang biktima ay tinulungan ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) at OWWA para sa kaukulang imbestigasyon.

Leave a comment