Cyber attack sa website ng PhilHealth imbestigahan ng Senado

Rep. Mark Villar

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ni Senador Mark Villar ang nangyaring cyber attack sa website ng
Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naglalagay sa kompromiso sa personal na impormasyon ng publiko.

Kasabay nito ay kinondena ni Villar ang nangyaring cyber attack sa pagsasabing ang pag-atake ay hindi lamang isang malaking kaso ng information theft kundi ito ay bahagi ng malawakang atake laban sa public health and welfare sa kadahilanang naglalaman ito ng medical information ng lahat ng miyembro ng PhilHealth.

“Ang atake na ito ay hindi lamang isang malaking kaso ng information theft. Ito ay bahagi ng malawakang atake laban sa public health and welfare because these attacks compromise the medical information of the members of PhilHealth,” sabi ng senador.

Ipinahayag din ni Villar na ang mahigit sa 24 na oras na bagsak ang sistema ng PhilHealth ay nanganganib sa kapasidad ng mga miyembro at benepisyaryo upang humingi ng agarang tulong medikal.

“Ang cyber attack laban sa PhilHealth ay hindi lamang atake laban sa isang institusyon ng gobyerno. Ito ay atake laban sa bawat indibidwal na miyembro ng PhilHealth at sa kanilang karapatan sa secured at accessible na tulong medikal,” giit nito.

Ipinahayag ng senador ang kanyang lumalaking pag-aalala tungkol sa serye ng mga cyber attack laban sa iba’t ibang institusyon ng pamahalaan kung saan pinakahuling biktima ang PhilHealth.

Bunsod nito ay inihain ni Villar ang Senate resolution No. 811 para imbestigahan ang naturang cyber attack at lahat ng iba pang mga pag-atake laban sa mga website ng pamahalaan.

“It is high time that we strengthen our cyberspace security as we are dealing with private and delicate information that could endanger, not just of one institution, but of the general Filipino public,” sabi ni Villar.

Leave a comment