Interim appointment ni DOH Sec. Ted Herbosa naunsyami

Ni NOEL ABUEL

Hindi natuloy ang interim appointment ni Teodoro “Ted” Herbosa bilang kalihim ng Department of Health (DOH) makaraang suspendehin ng Commission on Appointments (CA) ang pagtalakay sa nasabing usapin.

Ito ay matapos na isulong ni CA Majority Leader at Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “Lray” Villafuerte Jr. na suspendehin ang kumpirmasyon ni Herbosa sa paliwanag na kulang sa panahon ang mga miyembro ng CA para magtanong kay Herbosa.

Agad na kinatigan ni Senador Christopher “Bong” Go, CA committee on health chairperson ang mosyon ni Villafuerte at walang miyembro ang tumutol dito.

Magugunitang si Herbosa ay in-appoint noong Hunyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bagong kalihim ng DOH.

Bago nito, nagsilbi muna si Herbosa bilang special adviser to the National Task Force Against COVID-19 sa gitna ng pandemya at naging undersecretary ng DOH noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sa CA deliberations, sinabi ni Herbosa na kabilang sa prayoridad nito ang paglaban sa tuberculosis sa bansa, pagbabakuna sa mga kabataan sa buong bansa at bawasan ang malnutrisyon ng 50 porsiyento.

Gayundin nang tanungin ni Villafuerte si Herbosa kung sang-ayon ito sa paggamit ng marijuana o cannabis para sa medical purposes ay sumang-ayon ito.

“We will pursue this and make sure that medical marijuana law will be passed,” sabi ni Herbosa.

Ngunit aminado si Villafuerte na pahirapan ang pagkuha ng compassionate permit sa bansa at nangangailangan pa ng malaking halaga ng salapi sa pagsasaayos nito.

“Kung mahirap ang may epilepsy ang bata at nag-a-apply ka ng permit, napakatagal, aabutin ng taon. By the time na ma-approve na ang permit, napakamahal mag-import. This is anti-poor,” sabi nito.

Giit ng kongresista, nasa 60 bansa na ang gumagamit at legal ang paggamit ng medical cannabis kung kaya’t dapat na ring gawin ito sa bansa.

“I don’t know why the Philippines is delaying this. What do the 60 countries know that we don’t? The only news that I read from the 60 countries is that it’s very beneficial and their revenues increased. Wala pong namatay sa overdose or crimes nobody died due to overdose or crimes,” sabi pa ni Villafuerte.

Subalit nilinaw naman ni Herbosa na hindi ito sang-ayon na itanim o mag-manufacture ng marijuana sa bansa.

Sa panig naman ni Go, sinabi nitong suportado nito ang appointment ni Herbosa subalit marami pang katanungan ang mga miyembro ng CA kung kaya’t nagpasya itong isuspende ang pagdinig.

Leave a comment