Bagong minimum wage orders sa Cagayan Valley, Central Luzon, SOCCSKSARGEN

Ni NERIO AGUAS

Magandang balita para sa mga minimum wage earners sa Cagayan Valley, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN.

Ito ay matapos maglabas ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Setyembre 26 ng wage orders na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa nasabing mga rehiyon.

Bunsod nito, inaasahang makikinabang ang nasa 682,117 minimum wage earners sa naturang mga lugar sa bagong pasahod.

Humigit-kumulang sa 1.5 milyong full-time na wage at salary workers na kumikita ng higit sa minimum na sahod ang maaari ring direktang makinabang sa bagong wage increase.

Naglabas din ang RTWPBs sa Cagayan Valley at SOCCSKSARGEN ng wage orders para sa mga kasambahays.

Ang wage increases ay inaasahang makikinabang sa 75,853 domestic workers, 25% (19,040) ay live-in arrangements at 75% (56,813) ay live-out.

Sa RTWPB II (Cagayan Valley) ay nagsagawa ng motu proprio sa inilabas na Wage Order No. RTWPB 2-22 noong Setyembre 21, na nagkakaloob ng P30 na dagdag na ibibigay sa dalawang bahagi sa oras na maging epektibo kung saan sa Abril 1, 2024 ang second tranche.

Matapos ang ganap na pagpapatupad ng mga tranches, ang pinakamababang sahod sa rehiyon ay magiging P450 para sa non-agriculture at P430 para sa agriculture establishments.

At para naman sa mga kasambahay, ang Wage Order No. 02-DW-05 ay magkakaloob ng buwanang dagdag na P500 kung saan ang magiging bagong monthly wage rate ay P5,500.

Samantala sa RTWPB III (Central Luzon), sa pamamagitan ng petisyon, inilabas ang Wage Order No. RBIII-24 noong Setyembre 19, na nagkakaloob ng P40 na dagdag sa wage rate para sa mga manggagawa sa non-agriculture, agriculture, at retail/service establishments.

Ang bagong wage rate sa probinsya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, ay P493 – P500 para sa non-agriculture; P454-P470 sa agriculture; P475 -P489 sa retail/services.

Habang sa probinsya ng Aurora ay P449 sa non- agriculture; P422-P434 sa agriculture; P384 sa retail/services.

At sa RTWPB XII (SOCCSKSARGEN) motu proprio, naglabas ng Wage Order No. RB XII-23 noong Setyembre 21na nagkakaloob ng P35 dagdag sa non-agriculture, agriculture, and service/retail establishments na ipagkakaloob sa dalawang bahagi o P22 sa unang bahagi at P13 naman sa ikalawa sa Enero 1, 2024.

Matapos ang implementasyon, ang arawang minimum wage rates sa rehiyon ay P403 para sa non-agriculture, at P382 sa agriculture, at service/retail.

Naglabas din ang RTWPB XII ng Wage Order No. RB XII-DW-04, na nagkakaloob ng buwanang wage increase na P500 sa sahod ng mga kasambahays na magiging P5,000 sa syudad at first-class municipalities, at P4,500 naman sa iba pang munisipalidad sa rehiyon.

Ang lahat ng bagong wage orders ay ilalathala sa Setyembre 30, 2023 at magiging epektibo matapos ang 15 araw o sa Oktubre 16, 2023.

Ang mga pagtaas, na isinasaalang-alang ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy sa sahod na ibinigay sa ilalim ng Republic Act No. 6727, o ang Wage Rationalization Act, ay nagresulta mula sa motu proprio act ng Lupon o mga petisyon na inihain ng mga grupo ng manggagawa na humihiling ng pagtaas sa pang-araw-araw na minimum na sahod dahil sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at bilihin.

Ang bawat Lupon, na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno, management, at mga sektor ng paggawa, na nagsagawa ng mga pampublikong pagdinig sa wage deliberations.

Leave a comment