
NI MJ SULLIVAN
Inaasahang magpapaulan ang low pressure area (LPA) sa mga probinsya sa Visayas at Mindanao regions.
Sa inilabas na weather public forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na binabantayan ang nasabing LPA at inaasahang hahatak sa hanging habagat at ang Mindanao, Visayas at Eastern Visayas ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa sama ng panahon.
Una nang sinabi ng PAGASA na hindi inaasahang magiging bagyo ang naturang LPA kung saan tanging habagat lamang ang magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa.
Habang ang Palawan at Occidental Mindoro ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa epekto ng habagat.
Samantalang, ang Metro Manila at iba pang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap na papawirin na may minsang pag-ulan o pagkulog dahil sa epekto ng LPA at localized thunderstorms.
Nag-abiso ang PAGASA na mag-ingat sa posibleng pagkakaroon ng flashfloods at landslides dahil sa malalakas na pag-ulan.
