Pagtalakay sa pondo ng MMDA inipit ng 1-Rider party list

Rep. Rodge Gutierrez

Ni NOEL ABUEL

Tinangkang harangin ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez ang pagpasa sa hinihinging budget ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa plenary budget deliberation matapos mabigong ipakita ang mga plano ng MMDA para sa mga motorcycle riders.

“Bakit po wala sa planong 2024 budget ng MMDA ang motorcycle lanes at rain shelters na sila mismo ang nangako? Bakit panay intelligence funds at flood control projects na hindi matapous-tapos?” pag-uusisa ni Gutierrez.

Sinita rin nina Rep. Bonifacio Bosita ng 1-Rider party-list at Gutierrez ang MMDA hinggil sa mga isyu sa polisiya at pagpapatupad ng mga programa tulad ng Single Ticketing System.

“Mahigit isang buwan nang hinihintay ng 1-Rider Party-list ang paliwanag ng MMDA sa mga pinagkakagastusan nila ng buwis ng bayan, ngunit hanggang ngayon ay kulang-kulang po ang mga sagot nila,” pahayag ni Gutierrez.

Matapos ang mahigit isang oras na paggisa ng 1-Rider party-list sa MMDA, ipinasuspende ni Gutierrez ang pag-apruba sa budget ng MMDA dahil sa mga hindi nasasagot na katanungan.

“Dahil nanghihingi ng budget ang MMDA sa Kongreso, it is our duty and responsibility to put their fiscal plans under scrutiny,” paliwanag ng kongresista.

Subalit sa huli, ipinagpatuloy at kalauna’y naaprubahan ang budget ng MMDA pagkatapos pumayag na tanggalin ang kanilang intelligence funds.

Leave a comment