Speaker Romualdez nagpasalamat sa publiko sa tiwala

Ratings sa OCTA survey umakyat

Ni NOEL ABUEL

Pinasalamatan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga Pilipino sa patuloy na pagsuporta at pagtitiwala kasunod ng mataas na trust at approval rating na kaniyang nakuha sa pinakahuling OCTA Research survey.

Batay sa ‘Tugon ng Masa” poll ng OCTA na isinagawa mula Hulyo 22 hanggang 26, napanatili ni Romualdez ang mataas na approval at trust rating na nasa 55 percent at 54 percent.

Ang naturang numero ay nagpapakita ng tiwala ay kumpiyansa ng mga Pilipino sa liderato ng Kamara at sa legislative agenda na itinutulak ng 19th Congress.

“I am deeply grateful to the Filipino people for their unwavering support and the privilege to serve as Speaker of the House of Representatives. I am committed to working hard to make a positive impact on the lives of our kababayans,” sabi ng lider ng 311-miyembro ng Kamara de Representantes.

“The 19th Congress will continue to prioritize legislation that promotes economic growth, strengthens our healthcare system, and addresses the pressing concerns of our citizens. We will work together to build a more resilient and prosperous Philippines,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Romualdez na dahil sa nakuhang suporta ay buong pagpapakumababa nitong tutuparin ang kaniyang mandato na may dedikasyon at integridad.

Batid aniya nito na ang naturang ratings ay sa kabila ng mga hamong kasalukuyang hinaharap ng bansa kaya’t lalo aniya itong magpupursigi na makipagtulungan sa iba pang miyembro ng Kamara upang tugunan ang mga isyung ito para sa mas maayos na kinabukasan ng mga Pilipino

Sinabi pa ng pinuno ng Kamara na inaasahan nitong makipagtulungan sa kanyang mga kasamahan, stakeholders, at administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. upang makamit ang mga mithiing ito at matiyak na ang interes at kapakanan ng mga mamamayang Pilipino ay nananatili sa prayoridad ng lehislatura .

Ang Tugon ng Masa ay isang non-commissioned survey na gumamit ng harapang panayam sa 1,200 adult respondent mual sa iba’t ibang panig ng bansa.

Leave a comment