
Ni NEILL ANTONIO
Ibinasura ng Commission on Audit (COA) ang petisyon na inihain ng isang dating mataas na opisyal ng National Library of the Philippines (NLP) kaugnay ng hiling nitong pagkuha ng benepisyo at backwages.
Sa apat na pahinang desisyon ng COA, isinantabi nito ang mosyon ni dating Librarian V Maria Luisa Castillo Moral, na sinibak sa trabaho dahil sa pagkawala ng daan-daang historical documents.
Sagot ito ng state auditor kaugnay ng natanggap na clemency ni Moral sa kasong kinasasangkutan nito.
Sa apat na pahinang desisyon na inilabas nitong linggo, itinanggi ng COA na ang petition for money claim na inihain ni Moral laban sa NLP na humihingi ng pagbabayad ng hindi pa nababayarang mga suweldo at benepisyo na nagkakahalaga ng P9.13 milyon na sinabi niyang dapat niyang makuha at nabayaran sa pagitan ng Oktubre 1996 hanggang Pebrero 2012.
Nabanggit ng COA Commission Proper na sa isang desisyon noong 1996, ang noo’y Department of Education, Culture and Sports (DECS, ngayon ay DepEd) ay napatunayang nagkasala si Moral ng multiple administrative offenses para sa dishonesty, grave misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of the service para sa pagnanakaw ng mga makasaysayang dokumento ng NLP.
Pinatawan ito ng parusang pagtanggal sa government service at hindi na kwalipikado na makapasok sa pampublikong katungkulan, at ang kanyang mga benepisyo sa pagreretiro ay na-forfeit pabor sa estado.
Hindi na umapela si Moral sa desisyon ng DECS sa Civil Service Commission (CSC).
Pagkatapos maghain ng apela para sa clemency, ang na-dismiss na librarian ay nakatanggap ng paborableng desisyon mula sa CSC na nagrekomenda sa Office of the President na tanggalin ang mga parusang administratibo laban sa kanya.
Una nang tinanggihan ng OP ang pag-endorso ng CSC dahil sa hindi pag-amin ng pagkakasala sa bahagi ni Moral ngunit noong Pebrero 16, 2015, pinagbigyan ang kanyang apela na nag-uutos na ang lahat ng administratibong parusa laban sa kanya ay tanggalin.
Noong 2019, hiniling nito sa NLP ang kabayaran sa backwages at mga benepisyo subalit pinayuhan itong maghain ng petisyon sa COA.
Sa pagsusumite na ginawa sa ngalan ng NLP noong 2021, sinabi ng Solicitor General na dapat tanggihan ang claim dahil sa kawalan ng batayan na binanggit na ang pag-alis ng administratibong penalty ay hindi kasama ang muling pagbabalik sa dating posisyon ng petitioner.
Pinanindigan ng COA ang desisyon ng NLP na hindi naibalik si Moral sa kanyang dating posisyon bilang pinuno ng Filipiniana at Asian Division ng NLP at punong tagapag-ingat ng lahat ng makasaysayang dokumento, libro, at iba pang materyales ng dibisyon kabilang ang mga bihirang aklat at manuscript section.
“Back wages may only be given when an employee has been reinstated to service. In short, her removal from service is justified and is not deemed illegal. Thus, she is not entitled to back wages nor is she worthy of receiving benefits and remuneration because she was separated from government service because of the finding of guilt for the administrative charges filed against her,” paliwanag ng COA.
