Transparency at accountability tiniyak ni Speaker Romualdez

Ni NOEL ABUEL
Matapos ang ilang linggong deliberasyon, inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.768-trilyon na pambansang pondo para sa susunod na taon.
Inaprubahan ng Kamara ang 2024 General Appropriations Bill (GAB) bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para sa isang buwang break.
Pinapurihan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-apruba ng panukalang budget na hindi lamang umano pagtugon sa mandato ng Kamara kundi pagpapakita ng dedikasyon nitong magsilbi ng may transparency at accountability sa mga Pilipino.
Sa kanyang mensahe bago magsara ang sesyon, binigyang diin ni Romualdez ang pagnanais ng Kapulungan na tuparin ang mandato nito na bantayan ang pambansang pondo na may mataas na pagkilala sa transparency at diligence.
Ipinunto pa ng lider ng Kapulungan na may 311 miyembro na dumaan sa masinsing diskusyon ang pagtalakay sa pondo, partikular sa confidential at intelligence funds, na hinimay mabuti ng Kamara upang masigurong tama at naaayon ang gagawing paggugol sa limitadong pondo ng gobyerno.
“We underscored the need for agencies to abide by the strict accounting and auditing rules governing the handling and release of such funds and emphasized the need to safeguard its efficient and responsible utilization,” ani Romualdez.
“As a result, the House was able to assess and evaluate the nature and use of these funds and correct any mix-ups and allay public concerns regarding this issue,” dagdag nito.
Una nang nagdesisyon ang liderato ng Kamara na ilipat ang lahat ng confidential at intelligence fund na inilaan sa mga non-security department at ilagay sa mga ahensya na may kaugnayan sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Malaking bahagi ng naturang pondo ang ibibigay sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at sa National Security Council (NSC), na kapwa responsable sa intelligence activities at national security coordination.
Daragdagan din ang panukalang 2024 budget ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang palakasin ang kanilang kapasidad at kakayanan sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Ang desisyon na gamitin ang CIF sa ibang kailangang pagkagastusan ay sinuportahan ng iba’t ibang partido politikal sa Kamara sa pangugnuna nina: Rizal 1st District Rep. Michael John R. Duavit, pangulo ng Nationalist People’s Coalition; Agusan del Norte 1st District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II, secretary general ng Lakas-Christian Muslim Democrats; Romblon Rep Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ng Nacionalista Party; Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny T. Pimentel, vice president for Mindanao ng PDP-Laban; Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, pangulo ng National Unity Party; at Barangay Health & Wellness (BHW) Partylist Rep. Angelica Natasha Co, na kumatawan sa Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI).
Para sa House Speaker ang pag-apruba sa 2024 GAB ay patunay sa pagpapahalaga ng Kamara sa kapakanan ng mga Pilipino at sa minimithing mas masaganang bansa.
“Sa pagpasa natin ang 2024 [GAB], naging gabay ang mithiin natin na mabigyan ng ginhawa ang buhay ng ating mamamayan,” diin ng Speaker.
“Tiwala ako na hindi lamang makakatulong ang ipinasa nating budget para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino. Susi rin ito para mag-tuloy-tuloy ang ating pagbangon tungo sa mas magandang kinabukasan,” dagdag nito.
Kumpiyansa si Romualdez na bawat sentimo sa pambansang pondo ay nakaayon sa medium-term fiscal framework ng administrasyon, 8-point socioeconomic agenda, at Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, para sa pagkamit ng economic transformation na pangkalahatan at pangmatagalan.
Pinasalamatan din ni Romualdez ang mga kasamahang mambabatas, lalo na ang miyembro ng minority bloc sa kanilang kasipagan at pakiki-isa sa deliberasyon para makamit ang mithiin na maipasa sa oras ang GAB.
“I would also like to acknowledge the contribution of the members of the minority bloc, without which we would not have been able to evaluate, scrutinize, and dissect the national budget and disentangle a number of legislative intricacies that challenge this august chamber every session day. What the minority bloc puts forth unto the process of lawmaking is truly essential and valued,” ayon sa Speaker.
Ang 2024 national budget ay 9.5 porsiyentong mas mataas kaysa sa kasalukuyang P5.267 trillion, at katumbas ng 21.7 porsiyento ng gross domestic product ng bansa.
Ang sektor ng edukasyon ang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na nagkakahalaga ng P924.7 bilyon, kung saan nakapaloob na ang pondo ng Universal Access to Quality Tertiary Education program, textbooks, at feeding programs. 5.27 porsiyento ang itinaas sa budget ng Department of Education (DepEd) na nasa P758.6 bilyon.
Kabilang sa prayoridad sa sektor ng imprastraktura ang North-South Commuter Railway System at Metro Manila Subway Project Phase 1.
Pinaglaanan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P822.2 bilyon kasama ang para sa pagsasaayos ng mga daan.
Nadoble naman ang budget ng Department of Transportation (DOTr) sa P214.3 bilyon, na nakatuon sa mass transport at rail systems.
Mayroong P181.4 bilyon ang Agriculture department para sa bigas, mais at high-value crops production.
Habang ang Department of Health (DOH) ay nabigyan ng P306.1 bilyon, habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay mayroong 5.2 porsiyentong pagtaas sa nakuhang P209.9 bilyon.
Nasa 14.16 porsiyento naman ang taas sa budget ng Department of National Defense (DND) na makatatanggap ng P232.2 bilyon.
