Bagyong Jenny at habagat magpapaulan sa buong bansa– PAGASA

Ni MJ SULLIVAN

Ganap nang isang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) ng Philippine Atmosphere Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, ang bagyo na tatawaging Jenny ay nasa 1,410 km silangan ng Central Luzon.

Taglay nito ang malakas na hangin na nasa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 55 km/h.

Kumikilos ito ng pakanluran sa bilis na 20 km/h.

Samantala, ang hanging habagat ay makakaapekto sa katimugang bahagi ng Southern Luzon at Visayas.

Ang Bicol Region, Eastern Visayas, at Caraga ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa epekto ng bagyong Jenny.

Habang ang Metro Manila, MIMAROPA, CALABARZON, Western at Central Visayas, at ng buong Mindanao ay magiging maulan dahil sa epekto naman ng habagat.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa pinagasamang puwersa ng habagat at ng bagyong Jenny.

Leave a comment