BI pinag-aaralan ang paggamit ng AI

Ni NERIO AGUAS

Hindi isinasantabi ng Bureau of Immigration (BI) na ikonsidera ang paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa operasyon ng ahensya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na sa dinaluhan nitong biometrics conference sa Montreal, Canada, nakita nito ang mga makabagong teknolohiya na maaaring magamit sa Pilipinas.

Ang kumperensiya, na tinaguriang 18th Symposium on the International Civil Aviation Organization (ICAO) Traveler Identification Program (TRIP) sa Joint International Criminal Police Organization (INTERPOL) Biometrics forum ay dinaluhan ng BI chief noong Setyembre 12-14 upang pag-aralan at gamitin ang global trend sa immigration at border management.

Dumalo rin si Tansingco sa pagpupulong ng Canada Border Services Agency (CBSA) at tiningnan ang pasilidad ng Vancouver International Airport.

Sinabi ni Tansingco na nakita nito kung papaano makakatulong ang AI para mapahusay ang immigration processing sa pamamagitan ng dagdag na seguridad.

Aniya, ang AI technology, ay maaaring gamitin upang matukoy ang mga impostor at mga pekeng dokumento bago pa man sila makarating sa mga immigration counters.

“Naglalakad pa lang sila, makikita na ng AI kung may suspicious documents or activities sila,” sabi ni Tansingco.

Inaasahan ang AI technologies na magbibigay ng facial recognition at document matching features.

Ngunit nilinaw ni Tansingco na hindi papalitan ng AI ang mga immigration officers, bagkus ay aalisin ang pasanin sa kanila mula sa manual processing para mapakinabangan ang manpower ng BI.

Idinagdag pa nito na ang mga technological advancements, kabilang ang pagpapalawak ng e-gates ng BI ay makatulong para mapahusay ang operasyon ng BI.

“Currently we are doing manual processing, and it takes 45 seconds per passenger. The e-gates can decrease processing time to as low as 8 seconds,” sabi ng opisyal.

Ibinahagi nito na dahil sa limitadong espasyo sa paliparan, ang mga teknolohiya tulad ng e-gates ay kinakailangan upang mabawasan ang oras ng pagpila.

“If you notice, immigration areas of other countries are massive, hence they are able to place more personnel or gates. Here, we have limited space, so we need these technologies to make things faster,” ayon pa kay Tansingco.

Idinagdag pa nito na ang pangangailangang gawing moderno ang mga sistema ng BI upang maging kapantay ng mga international counterparts.

Patuloy aniyang itutulak nito ang pag-apruba sa iminungkahing immigration modernization law, na nag-a-update sa 83-taong-gulang na Philippine Immigration Act ng bansa.

Leave a comment