
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang maghain ng resolusyon si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. para imbestigahan ng Kamara ang ulat na nagaging bagsakan ng illegal na droga ang nasabing probinsya.
Ayon sa kongresista, nababahala ito at naaalarma sa pahayag ni Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na nakasabat ang mga awtoridadad ng 530 kilo ng shabu sa isang warehouse sa bayan ng Mexico, Pampanga.
Aniya, maghahain ito ng resolusyon ngayong araw, kung bukas ang mga tanggapan ng Kamara, o sa araw ng Lunes para pormal na imungkahi ang pag-iimbestiga.
“We are saddened and alarmed by this turn of events in our beloved province, one of the growth centers in Central Luzon. Pampanga is not known as the home ground of drug traffickers, but the latest drug confiscations are giving it a bad image. If this is an incipient problem in our area, let us nip it in the bud,” sabi ni Gonzales.
Sinabi ni Remulla na nakapasok sa bansa ang mga kontrabando sa pamamagitan ng Subic Freeport at tinutugis pa rin ang nasa likod ng shipment kabilang ang ilang dayuhan.
Ayon naman kay Gonzales ang naturang illegal na droga sa bayan ng Mexico ay ang pinakabago sa serye ng pagkakakumpiska ng droga sa Pampanga.
Sa huling bahagi ng nakaraang buwan, narekober ng pulisya ang 200 kilo ng shabu sa isang sasakyan na inabandona sa parking lot ng isang supermarket sa Barangay Mabiga, sa lungsod ng Mabalacat.
“The estimated street value of the contraband is staggering – P3.6 billion for the seized shabu in Mexico and P1.3 billion for the Mabalacat shabu,” aniya.
Idinagdag pa ni Gonzales na iba pang mga mambabatas ay interesado na alamin kung sino ang mga taong sangkot sa mga pagpapadala ng droga, kung paano ito nakapasok sa bansa at kung saan ipinamamahagi.
Ipinunto pa ng mambabatas na ang mga nakumpiska kamakailan ay nagpapakita ng bigat ng problema sa iligal na droga ng bansa.
Pinuri naman ni Gonzales ang mga law enforcement agencies na sangkot sa pagsamsam ng shabu sa Mexico, Mabalacat at iba pang lugar, kabilang ang pagkakasabat sa shabu na nagkakahalaga ng mahigit P400 milyon sa North Luzon Expressway sa Pampanga noong kalagitnaan ng 2022.
Panawagan pa ni Gonzales sa mga ahensyang ito at ang mga lokal at opisyal ng barangay na palakasin at paigtingin ang kanilang surveillance at monitoring sa mga drug traffickers at iba pang lawless elements sa kanilang mga lugar.
“The drug problem and other illegal activities are a concern of both the national government and local government units,” sabi nito.
Nanawagan din ito na bawiin ang business permit ng Subic Freeport locator na sangkot sa pagpasok ng mga kontrabando at mga bodega at iba pang business establishments kung saan itinago at sinamsam ang mga illegal na kargamento.
