Pang-aabuso sa mga Filipino Seasonal Workers sa Sokor pinaiimbestigahan ng kongresista

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ng isang kongresista sa Kamara ang dinaranas na hindi makataong pagtrato at pang-aabuso sa mga Filipino Seasonal Agricultural Workers na nagtatrabaho sa Republic of Korea.

Sa inihaing House Resolution No. 1343 ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, sinabi nitong dapat na imbestigahan ang pang-aabuso sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa South Korea sa ilalim ng Local Government Unit to Local Government Unit (LGU to LGU) arrangement.

Sa ilalim ng umiiral na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng LGUs sa Pilipinas at LGUs sa Republika ng Korea, ang ‘Foreign Seasonal Workers Dispatch Program’ ay pinipili ang mga seasonal agricultural workers mula sa Philippine LGUs para sa pag-deploy sa Korea.

Layunin nitong tugunan ang matinding kakulangan ng manpower sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa South Korea.

Ang mga foreign seasonal workers ay pinapayagang magtrabaho sa fruit, vegetable at fishing farms mula 3 hanggang 5 buwan, sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng dalawang local government units.

Kasama sa programa ang mga probisyon para sa pabahay at pangunahing pangangailangan, gayundin ang dapat na garantiya ng paggawa at karapatang pantao para sa mga manggagawa sa panahon ng kanilang trabaho.

Subalit nakarating sa kaalaman ni Rep. Magsino ang hindi magandang kondisyon sa pagtatrabaho at pagtrato sa mga Filipino seasonal workers sa Korea.

Kabilang sa mga ulat ay paminsan-minsang pagbibigay ng disenteng pagkain, hindi kanais-nais na mga pasilidad ng panuluyan na lumalabag sa contractual terms, labis na oras ng trabaho, at hindi makataong pagtrato.

“During our town hall meeting with leaders of the Filipino Communities in South Korea last June 2023, we were informed of labor standard violations against seasonal workers. And since the program stems mainly from LGU-to-LGU agreements, the implementation system does not go through the stringent screening of the Department of Migrant Workers (DMW),” pahayag ni Rep. Magsino.

Ipinunto rin ng mambabatas na habang kinukumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) at DMW ang kanilang kaalaman sa pagkakaroon ng seasonal workers program, at habang iniulat ng DILG ang partisipasyon ng apatnapu’t anim (46) na LGUs ng Pilipinas sa programa, walang inilabas na mga alituntunin ng alinman sa mga ahensyang kinauukulan upang pamahalaan ang deployment ng mga Filipino seasonal workers sa ilalim ng programa, o anumang malinaw na usapan sa mga tungkulin at responsibilidad sa mga Pinoy workers, na kritikal upang maiwasan at matugunan ang mga pang-aabusong ginawa laban sa mga manggagawang Pilipino.

Leave a comment