Sen. Revilla umapela sa Malacañang: “No work, no pay” sa It’s Showtime workers ikonsidera

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ikonsidera ang ‘no work-no pay’ sa mga manggagawa ng ‘It’s Showtime’ habang dinidinig pa umano ang apela hinggil dito.

Ang apela na ito ni Revilla ay bunsod ng ginawang pagbasura ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) noong nakaraang Huwebes sa isinumiteng motions for reconsideration ng ABS-CBN Corporation at ng GMA Network, Inc. para sa noontime variety show na ‘It’s Showtime.’

“Without getting into the merits of the case, sana ma-consider ng MTRCB ang kapakanan ng mga maliliit na staff at crew ng naturang show na wala namang kinalaman at kasalanan sa mga nangyari,” paliwanag ni Revilla.

Binigyang diin ni Revilla na hindi nito pinakikialaman kung anuman ang kahihinatnan ng kaso ngunit labis umano itong nababahala sa kalagayan ng mga manggagawa na labis na naapektuhan partikular ang mga magulang na may pinag-aaral na anak.

“Sila ‘yung mga ‘no work-no pay’ na kung matutuloy ang suspension ay dalawang linggong walang kikitain at walang kakainin, lalo pa at kabubukas lang ng klase, paano na ‘yung mga batang nag-aaral na umaasa lamang sa magulang na empleyado ng naturang show,” himutok pa ni Revilla.

Naniniwala si Revilla na magsusumite rin ng apela ang ABS-CBN at GMA sa tanggapan ng Pangulo sa loob ng 15-day period na pinapayagan naman at buo umano ang kaniyang kumpiyansa na kapag na-review ang pangyayari ay iiral na ang humanitarian considerations.

“I think lessons have been learned, kung nagkaroon man ng pagkakamali, ang kasalanan ni Juan ay hindi kasalanan ni Pedro. So I hope we don’t punish those working hard day in-day out just to eke out a living,” pagliwanag pa ni Revilla.

Leave a comment