Chinese national na sangkot sa sex crime naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na may kasong sex crimes sa Estados Unidos.

Kinilala ang nasabing dayuhan na si Kang Gong, 26-anyos, na napigilang makalabas ng NAIA Terminal 3 nang dumating sakay ng Cathay Pacific flight mula sa Hong Kong.

Sinasabing mahigpit na ipinagbabawal ng Philippine Immigration Act ang pagpasok sa Pilipinas ng mga dayuhang nahatulan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude dahil maaaring gumawa ito ng parehong pagkakasala kung papayagang makapasok sa bansa.

Nabatid na ang pagkakasabat sa nasabing dayuhan ay matapos lumabas sa Interpol’s database na convicted ito sa kinasasangkutang kaso.

Sa datos ng Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Gong ay napa-deported sa China mula sa US noong Oktubre 22, 2021.

Pinatalsik ng gobyerno ng US si Gong halos pitong buwan matapos mahatulan ng isang circuit court sa Michigan sa tatlong bilang ng child sexual abuse at paggamit ng mga computer sa pamamahagi at pagsulong ng sex pornography.

Ginawa umano ni Gong ang krimen mula Abril hanggang Hulyo 2000 nang makatanggap ito ng mahigit isang daang pornographic materials na naglalaman ng mga batang inabusong sekswal at ipinamahagi ito sa publiko.

“We cannot allow this undesirable alien to enter our country, lest our Filipino children become his next victims,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Inilagay na sa blacklist order ang nasabing dayuhan upang hindi ito makapasok sa bansa.

Leave a comment