Nadawit sa away politika

Ni DODO ROSARIO

Napilitang mag-resign si Mao nang magalit si Tambaloslos dahil kay Madam Lamon-Dolyar.

Kikilos din kaya si Tambaloslos para sa impeachment ni Madam Confi Ponds dahil sa paggastos n’ya ng mahigit P11 milyon sa loob ng 11-araw?

Alamin!!

***


Dumami ang scammers na gumagamit ng text messages ngayong ipinatupad na ng pamahalaan ang SIM card registration sa bansa.

Kasabwat kaya nireng scammers ang telecommunication companies para sa karagdagang ta-kits?

Nagtatanong lang po!

***


Nadawit pala itong si Engr. Roseller “Dong” Tolentino, ang regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Region III, sa isinampang reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Representative at Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr.

Isinampa ni Barangay Chairman Terence Papao, ng Barangay Sto. Cristo, Mexico, Pampanga, ang kasong paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act o ang Republic Act No. 3019 at paglabag sa Article 216 (Possession of Prohibited Interest by a Public Officer) ng Revised Penal Code laban kay Cong. Gonzales at limang miyembro ng kanyang pamilya dahil daw sa pagkopo ng kanilang construction firm ng flood control projects na may kabuuang halaga ng higit P600 milyon.

Si Gonzales daw ang may-ari ng 77-percent ng A. D. Gonzales Jr Construction and Trading Co., Inc., na nakakopo ng mga flood control projects sa mga bayan ng San Fernando, Bacolor at Mexico sa Pampanga.

Alam n’yo, mga padrino ko, walang partisipasyon ang regional director sa bidding ng mga proyekto na ipinatutupad ng regional office sapagkat ito ay isinasagawa ng Bids and Awards Committee sa pangunguna ng assistant regional director.

Bilang regional director, napakaraming mahahalagang obligasyon at responsibilidad itong si Dir. Tolentino, sa kanyang napakalawak na hurisdiksyon kung kaya’t hindi niya maaaring tutukan ang iisa lamang na obligasyon ng kanyang tanggapan gaya ng bidding ng proyekto. Mayroong mga taong responsable sa bawat trabaho na obligadong ipatupad ng regional office.

Bukod dito, hindi nasangkot sa ano mang anomalya iyang si Dir. Tolentino na dating district engineer sa Quezon City bago siya nailipat sa Region III dahil na rin sa kanyang propesyonalismo at dedikasyon sa tungkulin.

Naniniwala akong nadawit lamang ang malinis na pangalan ni Dir. Tolentino sa kasong ito.

Abangan!!

****


Binabati ko ang mga bagong halal na opisyal ng Knights of Columbus Bishop Felix Perez Assembly ACN 2357, Bacoor City, Cavite sa pangunguna nina Faithful Navigator Wenceslao N. Antaran, Jr., Faithful Captain Perfecto C. Agas, Jr., at Faithful Pilot Emiterio S. Malabad.

Ang iba pang mga nahalal na opisyal ay sina Faithful Comptroller Vicente O. Espiraz, Faithful Scribe Eduardo M. Vela, Faithful Purser Redsteen Ivon R. Tenorio, Faithful Admiral Cesar V. Laguda, Inner Sentinels Ronaldo M. Marual at Antonio Bocao at Outer Sentinel Gabriel P. Andrada.

Naghanda na ang Bishop Felix Perez Assembly ACN 2357 para sa kanilang outreach project para sa mga kapus-palad at may kapansanang kapwa sa Luna, La Union.sa pakikipagtulungan nina Sangguniang Bayan Member and Brother Knight Richard Flores at Rev. Fr. Roberto Benito Collado ng Shrine of Our Lady of Namacpacan.


Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com


Leave a comment