
Ni NOEL ABUEL
NAGSANIB puwersa ang ilang kongresista para isulong ang proteksyon ng mga solo parent at panagutin ang mga magulang na ayaw magbigay ng suporta sa kanilang mga anak.
Sinabi ni Northern Samar Rep. Paul Daza, na nais nilang pagsamahin ni ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo ang kanilang House Bill No. 44 o “Child Support Bill” at House Bill No.8987 o “An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support” sa pamamagitan ng “Anti-Balasubas Bill” upang maobliga ang isang ama o ina na magbigay ng sapat na suporta sa kanilang iniwanang anak ito man ay legitimate o illegitimate.
Ang pahayag ang dalawang mambabatas ay isinagawang policy forum ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Biyernes na dinaluhan ng 100 indibidwal mula sa RTC Family Court Social Welfare, Social Welfare and Development Agencies (SWDAs), LGU-City Social Welfare and Development Office, KALIPI Organization, Council for Welfare of the Children, DSWD- CO at kawani ng DSWDNCR at grupo ng mga single parent upang malaman ang posibleng paraan upang matulungan ang mga ama o ina na magbigay ng suporta sa kanilang mga anak.
Ayon kina Tulfo at Daza, sa ilalim ng “anti-Balasubas bill” tutulungan ang mga ina o ama na magkaroon ng trabaho nang sa gayon ay makapagbigay ng financial support sa kanilang mga anak.
“Dapat isipin ng mga magulang na obligasyon nila na maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga anak kahit pa wala ito sa kanilang kustodiya,” ayon kay Daza.
Sa HB No.44 ni Daza, isinasabatas ang pagbibigay ng buwanang sustento ng mga magulang na hindi nagpapalaki sa kanilang mga anak, hindi bababa sa P6,000 kada buwan ang sustento at itatatag ang National Child Support Program (NCSP.)
Sa HB No.8987 naman ni Tulfo kasama ang kanyang mga mambabatas sa ACT-CIS party list na sina Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap at sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon city 2nd district Rep. Ralph Tulfo ay magtatakda sa 10 porsiyento na kita ng isang ama o sustento na hindi bababa sa P6,000.
Sakaling maging batas, maaaring makulong ng hanggang 12 taon at multa na P100,000 hanggang P300,000 ang ama na hindi magbibigay ng financial support.
“Kaya inaayos namin at tuluy-tuloy ang aming pakikipagpulong at konsultasyon para maayos itong batas at gusto naming masiguro na mapoproteksyunan ang mga solo parent at kanilang mga anak,” ani Tulfo.
Naniniwala ang dalawang kongresista na sa panukalang “Anti Balasubas Bill” magkakaroon ng proteksiyon ang mga batang iniwan ng kanilang magulang.
