US national arestado ng BI sa GenSan

Ni NERIO AGUAS

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na illegal na nagtatrabaho bilang bus dispatcher sa lalawigan ng General Santos City.

Kinilala ni BI Intelligence Deputy Chief for Mindanao Melody Penelope Gonzales ang naarestong dayuhan na si Vladislav Igorevich Black, 36-anyos, may alyas na John Black.

Ibinahagi ni Gonzales na naunang nakatanggap ang BI ng ulat mula sa hindi pinangalanang source na si Black ay nagtatrabaho bilang bus driver sa isang provincial bus line sa General Santos.

Sa ginawang beripikasyon sa ulat, natuklasan na si Black ay overstaying na sa bansa sa loob ng mahigit sa 5-taon simula nang dumating sa Pilipinas noong 2018.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang BI sa tulong ng city intelligence and regional intelligence unit at ng Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa pagkakaaresto kay Black.

Sa interegasyon, sinabi ni Black na hindi na ito nakapag-renew ng kanyang visa dahil nakaranas ito ng problema sa pananalapi, kaya napilitan itong magtrabaho bilang dispatcher ng bus.

Pansamantalang nakadetine sa General Santos Police Office ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang paglilipat dito sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Leave a comment