
NI MJ SULLIVAN
Napanatili ng typhoon Jenny ang epekto nito sa bansa partikular sa Central Luzon na magdudulot ng pag-ulan at epekto pa ng hanging habagat.
Ayon sa weather bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 600 km silangan ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas na hangin na nasa 140 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 170 km/h.
Kumikilos ito ng Northwestward sa bilis na 15 km/h.
Nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, hilaga at silangang bahagi ng Isabela kasama ang Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Tumauini, Cabagan, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas; ang Apayao at sa hilagang bahagi ng Ilocos Norte kasama ang Carasi, Vintar, Burgos, Dumalneg, Bangui, Pagudpud, at Adams.
Ang malaking bahagi ng Visayas at Mindanao naman ay makakaranas ng maaliwalas na panahon.
Ayon pa sa PAGASA, paiigtingin ng bagyong Jenny at habagat na magdadala ng minsang pag-ulan sa katimugang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, Visayas at Mindanao sa loob ng tatlong araw.
Ngayong araw makakaranas ng pag-ulan sa MIMAROPA, Western Visayas, at Bicol region habang bukas ay magiging maulan sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol region, at Western Visayas.
At sa araw ng Miyerkules, magiging maulan pa rin sa Bataan, sa katimugang bahagi ng Aurora, Metro Manila, CALABARZON, hilagang bahagi ng Palawan, kasama ang Calamian Islands, Romblon, Occidental Mindoro, at bahagi ng Bicol region. Sa pagtatala ng PAGASA, kung hindi magbabago ang galaw ng bagyong Jenny ay inaasahang lalabas na ito ng Philippine area of responsibility sa araw ng Huwebes.
