US national pinigilang makapasok ng bansa

NI NERIO AGUAS

Pinigilang makapasok ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Pilipinas ang isang US national matapos makumpirmang nahatulan ng korte sa kasong sex crimes.

Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang naharang na dayuhan na si Ronald Huy Young, 54-anyos, na dumating sa bansa sakay ng Philippine Airlines flight mula Honolulu, Hawaii.

Nabatid na ang pagpigil kay Young na makapasok ng bansa ay dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.

Nakasaad sa batas na sinumang foreign national na nahatulan ng krimen na may kinalaman sa moral turpitude ay hindi papayagang makapasok ng Pilipinas.

Sa records ng Hawaii Criminal Justice Data Center, ipinapakita na si Young ay maghain ng guilty plea sa kasong electronic enticement ng isang bata na first degree.

Hinatulan ito ng first circuit court sa State of Hawaii ng 10-taong pagkakakulong noong 2008 at isinama sa sex registry ng estado.

“The law is very clear in its intent to protect Filipinos from foreigners who might be engaged in sex tourism and may prey upon the vulnerable. Aliens with such criminal records are barred from entering our country,” ayon sa BI chief.

Si Young ay agad na pinabalik sa lugar na pinanggalingan nito kasabay ng paglalagay sa BI blacklist ang pangalan nito.

Leave a comment