Batanes signal no. 2: Typhoon Jenny at habagat nagpaulan sa MM at karatig lugar

NI MJ SULLIVAN

Lalo pang lumalakas ang epekto ng bagyong Jenny at nararanasan ang malakas na hangin na may kasamang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa partikular sa Northern Luzon.

Ngayong araw, naging magdamag ang pag-ulan na naranasan sa Metro Manila, Cavite, Laguna at iba pang bahagi ng Luzon at inaasahang magpapatuloy hanggang pagsapit ng hapon o gabi.

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical  Services Administration (PAGASA), nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 2 sa Batanes na makakaranas ng malalakas na pag-ulan at malakas na hangin na nasa 62 km/h hanggang 88 km/h.

Nakataas naman sa signal no. 1 sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, ang hilaga at silangang bahagi ng Isabela kasama ang Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Tumauini, Cabagan, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Dinapigue, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Quirino, Delfin Albano, Quezon, Mallig; Apayao, bahagi ng Abra kasama ang Tineg, Lacub, Malibcong, ang hilagang bahagi ng Kalinga sa Balbalan, Pinukpuk, Rizal, lungsod ng Tabuk, at Ilocos Norte.

Makakaranas ang mga nasabing lugar na malakas na hangin na nasa 39-61 km/h sa loob ng 36-oras.

Sa pinakahuling datos ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Jenny sa layong 350 km silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas na hangin na nasa 165 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 205 km/h.

Paiigtingin din ng bagyong Jenny ang Southwest Monsoon o hanging habagat na magdadala ng madalas na pag-ulan sa katimugang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas sa loob ng 3-araw.

Ngayong araw, apektado ng bagyong Jenny at habagat ang lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, at malaking bahagi ng MIMAROPA at Western Visayas.

Bukas naman ay magiging maulan din sa Bataan, katimugang bahagi ng Aurora, Metro Manila, CALABARZON, Romblon, at ng malaking bahagi naman ng Bicol Region.

Sa araw ng Huwebes ay apektado ng pag-ulan ang lalawigan ng Romblon at bahagi ng CALABARZON at Bicol Region.  

Sa araw ng Biyernes, inaasahan na nasa labas na ng Philippine area of responsibility ang nasabing bagyo habang kumikilos patungo sa Taiwan.

Leave a comment