BIR at BOC nagkukulang ng abogado at accountants

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nangangailangan ng maraming abogado at accountants ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) para maisaayos ang koleksyon ng pagbubuwis.

Sa pagtalakay sa pondo ng Department of Finance (DOF) at ng mga attached agencies nito, katulad ng iba pang ahensya ng pamahalaan, ang BOC at BIR ay nagkukulang sa mga tauhan.

“Malaking bilang ito lalo na’t ang BOC at BIR ay mga ahensyang nangongolekta ng buwis. Kung mas maraming tao, mas magiging maayos ang pangongolekta ng buwis,” ani Gatchalian.

“Ayaw natin ng sitwasyon na ang mga ahensyang nangongolekta ng buwis, na kabilang sa mga pinakamahahalagang ahensya ng gobyerno, ay naiiwan” dagdag nito.

Dahil dito nagpahayag ng pagkabahala si Senador Win Gatchalian sa mga posisyong hindi napupunan at mababang suweldo sa mga tax-collecting agencies sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, may kabuuang 11,745 na posisyong hindi napunan noong 2022 sa Department of Finance.

Sa bilang na ito, may 7,724 na posisyonng hindi napunan sa BIRbhabang may 2,761 naman sa BOC.

Sinabi ni Gatchalian kung mas maraming tauhan ang BIR at BOC ay mas magiging maayos ang pangongolekta ng buwis.

Maliban sa kakapusan ng tauhan, isa pang hindi magandang kahihinatnan, sabi ni Gatchalian ay ang tukso ng katiwalian kung ang mga professionals sa hanay ng mga abogado o mga accountants ay tumatanggap ng mababang suweldo.

Inamin nina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at BOC Deputy Commissioner Michael Fermin na nahihirapan ang dalawang ahensya sa pagkuha ng mga tauhan tulad ng mga abogado at accountant dahil mas mataas ang alok na sweldo sa ibang mga ahensya.

Tinukoy ni Lumagui, ang entry-level na suweldo para sa isang accountant ay nasa P27,000 at ang entry-level na suweldo naman para sa isang ang abogado ay P46,725 kumpara sa P51,000 entry level sa Civil Service Commission.

Upang mapunan ang mga bakanteng posisyon, ang BIR ay nagpatibay ng mas madaling proseso kung anong regional office ang maaari nang kumuha ng sarili nilang mga empleyado at ang pag-apruba ng commissioner ay hindi na kailangan.

Pero binigyan-diin pa rin ni Gatchalian na ang dalawang ahensya ay hindi magkakaroon ng pagkakataon na kumuha ng pinakamahuhusay na empleyado kung ang kanilang pasuweldo ay hindi man lang pantay o competitive kung ikukumpara sa ibang ahensya ng gobyerno.

“Ang pangunahing konsiderasyon ay ang pasuweldo. Gaano man natin pagbutihin ang proseso, kung mababa ang pangunahing atraksyon o suweldo, magiging napakahirap para sa mga ahensya ng gobyerno na makaakit ng tao. Ang pinag-uusapan natin dito ay mga enforcement group at kailangan nating magkaroon ng tinatawag na industry-level packages para maiwasan ang tukso ng kurapsiyon, makaakit ng pinakamahusay na mga talento, at mapabuti ang kredibilidad at integridad sa loob ng ahensya,” giit nito.

Leave a comment