
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkasunod na paglindol ang lalawigan ng Masbate at Bicol region ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, ganap na alas-5:30 ng madaling-araw nang unang maitala ang magnitude 4.8 na lindol na nakita sa layong 013 timog kanluran ng Batuan, Masbate at may lalim na 014 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity V sa lungsod ng Masbate, at Milagros, Masbate habang intensity IV naman sa San Fernando, Masbate at intensity III sa lungsod ng Legazpi, Albay; Palanas, Masbate samantalang naitala rin ang intensity II sa Irosin, Sorsogon.
Habang sa instrumental intensities naitala rin ang intensity V sa syudad ng Masbate, at Milagros, Masbate at intensity IV sa Aroroy, at Monreal, Masbate; intensity III sa syudad ng Legazpi, at lungsod ng Tabaco, Albay; Batuan, Masbate; Bulusan, at Donsol, sa Sorsogon at intensity I naman sa Kawayan, Biliran.
Inaalam pa kung may nasira o naapektuhan sa nasabing paglindol.
Samantala, ganap namang alas-6:12 ng umaga nang maitala ang magnitude 3.9 sa nasabi ring lugar.
Naitala sa instrumental intensity ang intensity III sa syudad ng Masbate, Masbate.
Sa hiwalay namang ulat ng Phivolcs, nagkaroon din ng paglindol sa Davao Occidental ngayong umaga.
Ganap na alas-4:58 ng madaling-araw nang maramdaman ang magnitude 4.3 sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental.
May lalim lamang itong 001 km at tectonic ang origin.
