4,710 Leyteños nakatanggap ng ayuda mula sa Tingog party list

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa 4,710 residente ng Leyte ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng tanggapan nina House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog party list Rep. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre.

Pinangunahan ng aktres na si Karla Estrada, ang Director for Community Engagements ng Office of the Speaker ang pamimigay ng ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) at mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na Integrated Livelihood Program (DILP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) noong Oktubre 1 at 2.

Nabatid na tumanggap ng cash assistance na P1,000 ang bawat residente mula sa Carigara at Palompon; 2,500 indibidwal naman mula Tacloban, at 180 estudyante na nakapasok sa Government Internship Program (GIP).

Samantala, mayroon namang 30 benepisyaryo na nakatanggap ng pedicab sa ilalim ng Livelihood Program ng DOLE.

Kasama sa mga natulungan ay mga barangay health care workers, mag-aaral at mula sa pinakamahihirap na komunidad sa Leyte.

Ang Tingog party list na nag-ugat sa Leyte, ay patuloy na dumarami at lumalawak ang mga lugar na natutulungan ng hindi lamang sa Region 8 kundi sa buong bansa sa pamamagitan ng mga Alagang Tingog Centers (ATCs).

Mas marami pang ATCs ang inaasahang bubuksan nina Romualdez at Acidre upang mas mailapit sa mga nangangailangan ang tulong na alok ng gobyerno upang makasama sa pagbangong muli mula sa kahirapan.

Leave a comment