DSWD-NCR storage natuklasang sira-sira, pinamumugaran ng daga at insekto — COA

Ni KAREN SAN MIGUEL

Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Audit (COA) sa masamang kalagayan ng dalawang palapag na istraktura na ginagamit ng Department of Social Welfare and Development – ​​National Capital Region (DSWD-NCR) bilang bodega ng pagkain at non-food relief goods.

Sa 238 pahinang Consolidated Report on the Audit of the Disaster Risk Reduction and Management Funds na inilabas noong Setyembre 18, sinabi ng government auditors na ang nasabing gusali ay may sira-sirang bubong, bintana, at pintuan na nilagyan ng makeshift fence na gawa sa galvanized iron sheet.

Gayundin, ang maruming palikuran at maraming mga nagkalat na insekto tulad ng ipis at daga.

Ibinigay ng COA ang kopya ng special report noong Agosto 30, 20203 kay Department of Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro bilang pinuno ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“The DSWD NCR’s storage facility is not well-maintained and in a state of disrepair making it unfit to accommodate relief goods for emergency situations. This likewise poses risks for theft, vandalism, and other security breaches that could compromise the safety of staff and stored goods,” ayon sa COA.

Mismong ang mga staff ng warehouse na nasa Chapel Road, NAIA 2, Pasay City ang nagreklamo na ang comfort rooms ay nangangailangan nang isaayos subalit ginagamit pa ring imbakan ng National Food Authority (NFA) ng bigas sa kabila ng pinamumugaran ng weevils kasama ng foldable tables, whiteboards, at plastic chairs.

Ang masama pa nito, ang mga alituntunin para sa pagsasalansan ng mga relief goods ay hindi nasusunod na nagdudulot ng kahirapan sa pagtatala, pag-repack, at pagsubaybay sa mga stock.

Naglagay rin ng tent sa labas ng gusali upang magsilbing storage ng food packs at family kits.

Napansin ng mga state auditor na ang kawalan ng kalinisan at organisasyon ay nagpapataas ng panganib ng pagkasira, kontaminasyon, at pagkawala ng mga kalakal na maaaring magresulta sa pagkalugi sa pananalapi ng pamahalaan.

“The staff informed us that they had to transfer the goods, especially for coffee and cereals, due to cockroaches and rats in the building. They also disclosed that no regular pest control measures were conducted in the facility,” sabi ng audit team.

Maliban sa mga supply ng pagkain para sa mga biktima ng kalamidad at mga lumikas na pamilya, ang pasilidad ay ginagamit din upang mag-imbak ng mga bagay na hindi pagkain tulad ng gamit sa pagtulog, mga hygiene kit, damit at mga kagamitan sa kusina.

“The overall condition of the facility is subpar and does not meet the required standards for a safe and secure storage environment,” dagdag pa ng COA.

Sa ginawang beripikasyon ng COA sa 2022 audit ng DSWD, sumang-ayon ito sa rekomendasyon ng auditors na agad na magsagawa ng pagsasaayos at paglilinis upang maiwasan ang kontaminasyon at pagkasira ng pagkain.

Leave a comment