Hiling na P30M ng DOT kinuwestiyon ni Binay

Senador Nancy Binay

Ni NOEL ABUEL

Kinuwestiyon ni Senador Nancy Binay ang hiling na malaking pondo ng Department of Tourism (DOT) para sa market study at research para sa kanilang rebranding campaign.

Ayon sa senador, dapat ginawa ng DOT ang mga ito bago ang paglulunsad ng kontrobersyal na “Love the Philippines” video.

Hiniling ng DOT ang P30 milyon para sa Strategy, Research and Overall Direction for the Integrated Marketing Communication Campaign, bilang bahagi ng P500 million budget proposal para sa Branding Campaign Program para sa susunod na taon.

Subalit sinabi ni Binay na may pondong hindi nagamit ang DOT na kahalintulad nito ngayong taon.

Ipinahayag ng senador ang kanyang pagkabalisa sa pangangailangan para sa patuloy na P30 milyon na alokasyon, dahil idiniin nito na dapat ay ginawa ang market study bago ang paglulunsad ng kampanya.

“Why are you spending P30 million for a study that supposed to be was already done before you launched— I would assume this is the ‘Love the Philippines’, ‘di ba? So anong magiging, kumbaga paano ang magiging backbone for the new branding if there was no strategy research, kasi parang ngayon pa lang kayo mag-a-award ng P30 million for strategy research? So, what is the basis for doing a rebranding when you’re still gonna do a strategy research worth P30 million?,” pag-uusisa ni Binay.

“You’re shifting to a new campaign, so talagang, overhaul ‘yan. So how can it be that you started a new campaign na—I mean lumalabas ngayon because you’re awarding P30 million for a strategy research—but parang medyo mali ang order. Hindi ba dapat nauna ang pag-aaral bago tayo nag-relaunch?” dagdag nito.

Ayon sa DOT, nauna nitong kinontrata para sa kampanyang “Love the Philippines” ay nagsagawa na ng komprehensibong pag-aaral sa pag-uugali ng mga kostumer, mga uso sa paglalakbay at tourism post-pandemic gayundin ang mga saloobin sa paglalakbay, kabilang ang tourism spending.

Sinabi ni Binay na kung isasaalang-alang ang isang pag-aaral ay naisagawa na, ang hiniling na P30 milyon ay redundant na.

“And if that’s the case, so dapat alisin na natin ang P30 million,” sabi ni Binay.

“In fact, ‘di ba during the last budget hearing, ‘yun nga ang concern ko, eh. When we changed the branding–isipin mo, we’re spending P30 million for a strategy research, wala pa ‘yung placement. And in terms of tourist arrivals, hindi pa rin, compared to our ASEAN neighbors na hindi nagpapalit ng slogan, pero ang taas-taas ng tourist arrivals nila,” pahayag pa ni Binay.

Leave a comment